Nagre-rejoice ang mga supporter ni Barack Obama dahil nag-win ito as in siya na ang bagong pangulo ng USA.
Lumikha ng kasaysayan si Papa Barack dahil siya ang kauna-unahang Black American na naging presidente ng Amerika. May drama ang buhay ni Papa Barack dahil hindi naabutan ng kanyang favorite lola ang tagumpay niya. Sa true lang, nakatulong pa nga yata ang pagkamatay ni Grandma dahil lalong dumami ang nakisimpatiya sa kanyang naulilang apo.
Mas matutuwa sana ako sa victory ni Papa Barack kung si Hillary Clinton ang kanyang Vice-President. Nanghihinayang ako kay Mama Hillary dahil alam ko na malaki ang magagawa niya para lalong umunlad ang USA. O di ba, feeling affected ako eh hindi naman ako Amerikano. Feeling American lang.
* * *
Habang nagsasaya ang mga supporter ni Papa Barack, natanggap ko naman ang balita na pinatay ng holdaper ang lola ni Pauleen Luna.
Hindi ko pa nakakausap si Pauleen kaya hindi ko pa alam kung paano niya naging lola si Mrs. Mercedita Jimenez na binaril kahapon sa palengke ng Blumentritt, Manila.
Naniningil daw ng mga pautang ang biktima nang biglang hablutin ng suspect ang kanyang bitbit na bag na naglalaman ng kadatungan. Nang manlaban ang biktima, binaril siya ng suspect na hindi nakatakas at kinuyog ng mga tao sa palengke.
Wala na talagang safe na lugar. Nakakalokang isipin na ala-sais ng umaga nang mangyari ang krimen at marami ang saksi. Wala na yatang nararamdaman na takot ang mga masasamang-loob!
* * *
Inamin na nina Dingdong Dantes at Karylle na hiwalay na sila. Hindi ko ikinagulat ang kanilang ginawang pag-amin dahil ipinagtapat na noon ni Dingdong ang tunay na sitwasyon ng relasyon nila ni Karylle.
Nanahimik ako dahil iginalang ko ang sinabi ni Dingdong na sabay silang magpapainterbyu ni Karylle kay Ricky Lo. Hindi naman natuloy ang kanilang joint interview dahil hindi magkatugma ang mga schedule nila.
Puwede rin na nagpasya si Karylle na huwag nang ituloy ang joint interview dahil hindi madali na magsalita sila nang magkasabay. Painful ang makipaghiwalay ‘ha? Lalo na kapag mahal mo pa ang ..... Ay..hanggang doon na lang ang masasabi ko.
At least, mahihinto na ang mga hula kung true or false ang mga tsismis na nag-goodbye na sina Karylle at Dingdong sa isa’t isa. Ganyan naman ang mga Pilipino. Dedma na sila sa isyu kapag nakuha na nila ang mga sagot na kanilang gustong marinig.
Classic example ang sex video ni Criselda Volks. Nalaos na ang isyu dahil sa pag-amin ni Criselda na siya nga ang girl sa kumalat na sex video. Ni hindi naghanap ng kopya ang mga intrigero at intrigera.
* * *
May nagkuwento sa akin na singer na contract artist ng Kapuso network ang kakanta ng Lupang Hinirang sa laban nina Manny Pacquiao at Oscar Dela Hoya sa December 5.
Knows ko na ang name ng mapalad na singer pero hintayin natin ang official announcement ng GMA 7. Ayokong i-preempt ang kanilang announcement ‘noh!
Basta ang alam ko, masuwerte ang kakanta ng Lupang Hinirang dahil ang ingay-ingay ng laban nina Manny at Oscar.
Sold-out na nga yata ang tickets dahil nag-unahan sa pagbili ang mga mahihilig sa boxing. Nangunguna sa pagpapareserba at pagbili ng tickets ang mga pulitiko ‘noh!