Malawak ang merkado ng opinyon. Sangkot man o hindi ang ating mga kababayan sa kontrobersiyal na isyu ngayon sa pagitan ng manager-talent na sina Jennylyn Mercado at Becky Aguila at ng dating road manager ng aktres na si Mel Pulmano ay may karapatan silang magbigay ng kanilang pananaw.
Sa pagpapalitan ng litanya ng kampo nina Becky at Jen at ni Mel ay may mga kaibigan-kakilala kaming nagkokomento na mas kumbinsido sila sa mga sinasabi ng PA (production assistant).
“Mukha kasing character actress si Becky Aguila, ang tapang-tapang ng itsura niya! Parang siya ang kontrabida sa controversy na ito, parang si Mel yung bida na pinahihirapan at kinakawawa nung kontrabida,” kuwento ng isang nakausap namin.
Mestiza kasi si Becky, ganun talaga ang dating ng mga may halong banyaga ang dugo, para silang suplada-maldita kahit hindi naman.
“Saka bakit siya ang paliwanag nang paliwanag? Ang sabi niya, problema ito between Jennylyn and Mel, pero bakit siya ang painterbyu nang painterbyu?” komento naman ng isa pa.
Kinatwiranan namin na nadadamay rin kasi si Becky sa isyu, siya ang itinuturo ni Mel na utak ng lahat ng mga ginagawa ni Jennylyn, ipinagtatanggol lang ni Becky ang kanyang sarili sa isyu.
Pero sa bandang huli ay meron pa ring sariling opinyon ang aming mga kausap, mababaw na kung sa mababaw ang barometro nila tungkol sa isyu, pero mas naniniwala sila kay Mel Pulmano dahil mukhang kontrabida raw si Becky Aguila.
Pisikal na itsura ba ang labanan?
* * *
Ayon kina Becky at Jennylyn ay pineke lang daw ni Mel ang pirma ng aktres sa mga tsekeng ipina-rediscount nito. Hindi naman nila sinasabing ninakaw lang ni Mel ang mga pahina ng check booklet ni Jen, basta ang malinaw ay forged lang daw yun, hindi authentic.
Pero nagsalita na ang pinagpapalitan ng mga tseke ni Mel, nagdadalantao pa lang daw si Jennylyn nung magsimulang magpa-rediscount sa kanya ang aktres, sa pamamagitan ng kanyang road manager.
Pinabubulaanan yun ng kampo nina Becky at Jennylyn, wala raw katotohanan yun, pinepeke lang daw ni Mel ang pirma ng aktres sa mga tsekeng ipinapalit nito.
Pero teka naman muna. Kung totoong pinepeke nga lang ni Mel ang pirma ni Jennylyn, bakit kapag idinedeposito naman yun ng rediscounter ay nagu-good ang mga tseke?
Ang bawat depositor ay hinihingan ng specimen signature ng banko, tatlo hanggang apat na beses na pinapipirma sa card ang depositor, yun ang ginagamit na basehan ng signature verifier kung authentic ba ang pirma na may-ari ng tseke o pineke lang.
May specimen signature si Jennylyn Mercado sa bankong pinagdedeposituhan niya, dun ipinapasok ng rediscounter ang mga tsekeng ipinapalit ni Mel, at nagu-good ang mga ipinapalit niyang tseke.
Ano’ng ibig sabihin nun, nalusutan ni Mel ang signature verifier ng banko? Kung may duda ang signature verifier ay ipababalik nito ang tseke sa nagdeposito, ang ilalagay nitong remark, “signature differs from file.”
Pero bakit wala namang ganung kaganapan? Bakit ino-honor naman ng bank ni Jennylyn ang mga tsekeng ipinapalit ni Mel sa rediscounter?
Sino ngayon ang nagsasabi sa kanila ng katotohanan at nagpapalusot lang? Si Mel, na nagpapalit ng tseke ni Jennylyn sa rediscounter na nagu-good naman, o sina Becky at Jen na nagsasabing pinepeke lang ni Mel ang pirma ni Jennylyn?
Malayo pa ang tatakbuhin ng kontrobersiyang ito. Kumuha na rin ng abogado si Mel, may karapatan naman talaga ang dating handler ni Jennylyn na ipagtanggol ang kanyang sarili sa usaping ito.