May correction please ako. Ang tatay ni Ramiele Malubay ang dumating sa Pilipinas noong isang linggo at hindi ang girl na sumali sa American Idol.
Sa December pa darating si Ramiele para sa concert nila ni Ogie Alcasid. Confirmed na ang pagsasama nina Ramiele at Ogie sa isang show dahil ito mismo ang nagkuwento tungkol sa kanilang coming soon na concert.
Excited na si Ramiele sa nalalapit na pagbisita niya sa ating bayang magiliw. Hindi pa siya nakakabalik sa Pilipinas mula nang mag-join siya sa Season 7 ng American Idol. Type yata ni Ramiele na magkaroon ng showbiz career sa Pilipinas, gaya ni Jasmine Trias na bumalik naman sa Hawaii pagkatapos subukan ang Philippine showbiz.
* * *
Sa darating na Sabado na ang The Next One concert ni Sarah Geronimo kaya tuluy-tuloy ang mga rehearsals niya.
Sing and dance ang drama ni Sarah sa kanyang concert. Patutunayan niya na hindi uuwing luhaan ang mga nagbabalak na manood ng The Next One.
Sina Billy Crawford, John Lloyd Cruz, Jed Madela, Shaina Magdayao at Rayver Cruz ang mga special guests ni Sarah sa kanyang concert.
Bahala na kayong mag-isip kung sino kina Billy at Rayver ang secret inspiration ni Sarah.
Magaling sumayaw ang clue sa secret crush ni Sarah. Eh parehong mahusay magsayaw sina Billy at Rayver. Sino kaya sa kanila ang nagpapatibok sa puso ng Pop Princess?
* * *
Hindi nag-survive ang long-distance relationship ni Rufa Mae Quinto sa kanyang Hong Kong-based boyfriend na si Bobby Lopez.
Mahirap talaga ang long-distance relationship. Ang nakakaloka lang, ang kuwento ni Rufa Mae na nakipag-break ang mhin sa pamamagitan ng e-mail.
Eh paano kung hindi kaagad nabasa ni Rufa Mae ang e-mail? Break na pala sila ng kanyang boyfriend, hindi pa niya alam? Unfair, debah?
Seksi at maganda si Rufa Mae. Hindi ‘yan mawawalan ng manliligaw. Imposibleng hindi siya makakita ng mhin na higit pa kay Bobby.
* * *
Nakakaloka rin ang nangyari kay Willie Revillame. Ninakawan na nga siya, nabuksan pa diumano ang kanyang safety deposit box.
Ganyang-ganyan din ang nangyari kay Alfie Lorenzo na hindi maubos-maisip kung paano nalaman ng magnanakaw ang kumbinasyon ng kanyang safety deposit box.
Mas nakakalokang isipin na nakatira si Willie sa isang exclusive subdivision pero nakapasok pa rin ang magnanakaw sa kanyang bahay! Paano nalusutan ng magnanakaw ang mga security guards ng mamahaling subdivision?
I’m sure, milyun-milyon ang nawala kay Willie at ganoon din kay Alfie. Nagpapasalamat sila dahil walang sinaktan ang mga magnanakaw na pumasok sa kanilang mga house.
* * *
Tawa ako nang tawa sa nabasa ko na nandiri sa bading si Chris Tiu. Hindi naman siguro nandiri si Chris. Baka gusto lang niya na i-enjoy nang husto ang pagbabakasyon sa Boracay kaya hindi siya nagpainterbyu sa reporter na lumapit at nagpakilala sa kanya.
Puwede rin na nagulat lang si Chris dahil matangkad din ang reporter. Baka inisip niya na basketball player din ‘yon na type na makipagtagisan sa kanya sa pag-shoot ng bola!
May mga kaibigang gay si Chris. Hindi siya homophobic dahil puro baklita ang nag-intebyu sa kanya sa presscon noon ng Bilib Ka Ba Nights ng Kapuso Network. Hindi siya naaasiwa habang nakikipagtsikahan sa mga baklesh.