Sa issue nina Jewel at Bubbles: 'I'm not guilty' - P a u l e e n
Hindi pa rin pala magkabati sina Jennylyn Mercado at Ryza Cenon kahit matagal na ang conflict nila dahil kay Mark Herras. Noon kasing magulo ang relasyon nina Jennylyn at Mark, pumasok sa eksena si Ryza nang pormahan siya ng actor.
Ang ikinainis daw ni Jennylyn, nag-deny si Ryza at mula noon, hindi na niya binabati ang huli. Napatunayang totoo ang hinala ni Jen kina Ryza at Mark nang aminin ng actor na nagkaroon sila ng MU o Mutual Understanding ni Ryza.
Anyway, magkakasama sa Alex and Toni episode ng Dear Friend mamaya ang tatlo at parehong girlfriends ni Mark ang role nina Jennylyn at Ryza. Nang dumalaw kami sa taping, may nakapagtsika sa aming hindi nagbatian ang dalawang actress at napatunayan namin ito nang magbeso sa amin si Jennylyn. Katabi namin si Ryza, pero lagusan ang kanyang tingin.
Kahit may isnaban sa set, natapos ang two day taping ng special episode na two Sundays din mapapanood. Ang first part ay this Sunday at sa November 9, ang second part.
Si Jun Lana ang director ng episode, guest singer si Lovi Poe at hosts sina Marvin Agustin at Jolina Magdangal na mapapanood after SOP.
* * *
Pinakamataas na ratings ng Gagambino ang 36. 7 percent na nakuha nito noong Huwebes at siguradong may party na naman sa set. The first time umabot sa 36.5 percent ang ratings ng show, napasigaw sa tuwa si Dennis Trillo, sa two percent na itinaas nito, baka nagtatalon ito sa tuwa at malaki ang posibilidad na mas tumaas pa ang ratings ng show.
Pinuna namin ang paghingal ni Dennis sa kanyang fight scene at ‘pag gumagawa siya ng stunts, bagay na baka hindi magustuhan ng viewers. Sagot nito, dahil ‘yun sa nire-rehearse muna nila ang mga eksena bago niya gawin. Kailangan din daw makita ng viewers na napapagod siya para malamang siya mismo ang gumagawa ng fight scene at stunts.
Walang double si Dennis maliban sa sobrang delikadong eksena, siya lahat ang napapanood na tumatalon at nakikipagbugbugan. May balak ba siyang maging action star?
“Hindi siguro dahil ayaw kong ma-stuck sa iisang genre at gusto ko hindi lang action ang gawin. Gusto ko puwede ako sa lahat para mas maraming trabaho. Saka ang built ko, hindi pang action star,” sagot nito.
* * *
Walang kabakel-bakel na sinabi ni Princess Violago na kundi siya nagpahinga ng one year sa showbis, baka siya na ang nasa lugar ni Marian Rivera. Baka siya ang sumikat at hindi ito. Opinion at paniwala ito ni Princess kaya mahirap kontrahin.
Isa pang ipagre-react ng readers ay ang sinabi nitong mas gusto niyang ikumpara siya kina Grace Kelly at Jackie Onassis kesa kay Paris Hilton. Again, personal niyang pananaw ito kaya walang kokontra or else…
Hindi na namin kinakitaan ng maraming bodyguards si Princess sa kanyang mga lakad at isang bodyguard, yaya at mom niya ang kanyang kasama. Dahil daw ito sa gusto niyang maging simple ang dating niya para madaling lapitan at hindi mailang ang fans.
* * *
Si Pauleen Luna pala ang naba-blind item na young actress na source raw ng imbentong tsika kina Jewel Mische at Bubbles Paraiso. Tinext siya ni Dinno Erece para hingan ng reaction at heto ang sagot ni Pauleen:
“Oo nga e. Na-receive ko na rin yan. Hamo na kuya, wala lang magawa sa buhay ‘yang gumawa niyang text na ‘yan. I’m not guilty.”
‘Kakatawa nga naman ang sinabing rason nang nagkakalat na may kinalaman si Pauleen sa gulo nina Jewel at Bubbles. Dahil daw ‘yun sa galit pa rin sila ni Michelle Madrigal na best friend ni Bubbles. Hindi updated ang texter dahil hindi alam na gusto na ni Pauleen na makipag-ayos kay Michelle dahil pangit nga namang nagde-dedmahan pa rin sila gayung magkasama sila sa Luna Mystica.
- Latest