Live bukas ang Startalk kaya hindi ako makakapunta sa misa para kay Rudy Fernandez sa Heritage Park.
Dumalaw na ako sa puntod ni Rudy noong Lunes at nakita ko na maganda nga ang musoleo na ipinagagawa ni Lorna Tolentino.
Dalawa ang banyo sa musoleo, isang pampamilya at isa para sa mga bisita. Hindi nagkamali si LT sa kanyang desisyon na pag-aralan na mabuti ang architectural plan ng musoleo dahil talagang maganda ang kalalabasan nito.
* * *
Dahil bukas ang All Saints’ Day, baka may kuwento ang Startalk tungkol sa mga artista na namayapa na.
Mahirap nang bilangin ang mga artista na nag-goodbye dahil marami sila. Nandiyan sina Kuya Ronnie Poe, Daboy, Rico Yan, Helen Vela, Inday Badiday, Ike Lozada, Julie Vega, Miguel Rodriguez, Claudia Zobel, Stella Strada at marami pang iba.
Kontrobersyal ang pagkamatay ni Stella dahil nagbigti ito. Natatandaan ko na nagpunta pa noon si Stella sa burol ni Claudia Zobel sa Loyola Guadalupe. Makalipas ang ilang buwan, si Stella naman ang nakaburol sa mismong chapel na pinagburulan sa labi ni Claudia. Eh silang dalawa ang magkaribal noon sa Bold Queen title.
Hindi lang si Stella ang sexy star na nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbibigti. Nagbigti rin noon si Pepsi Paloma. Nagkaroon noon ng Stella Syndrome dahil tumaas ang bilang ng mga nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbibigti.
* * *
Nagpunta ako noon sa burol ni Rico Yan kahit hindi kami personal na magkakilala. Ibinurol ang bangkay ni Rico sa La Salle Greenhills at saksi ako sa mahabang pila ng mga tagahanga na nakiramay sa kanyang pamilya.
Pinanghinayangan ang maagang pagkamatay ni Rico. Namatay siya sa edad na 27. Kung nabubuhay pa si Rico, siguradong isa siya sa mga hottest leading men ng bansa dahil sa kanyang malinis na image. Role model noon si Rico ng mga kabataan.
* * *
Siyempre, walang tatalo sa mahabang pila ng fans sa burol nina Kuya Ron at Daboy. Bilib ako sa kanilang mga tagahanga na nanggaling pa sa malalayong probinsya at lumuwas ng Maynila para makita sa huling pagkakataon ang mga idolo nila.
Sobra-sobra ang pasasalamat ng mga fans sa pamilya nina Kuya Ron at Daboy. Hindi sila pinaalis sa paligid ng chapel. Pinabayaan sila na mag-vigil doon at binigyan pa ng mga pagkain.
* * *
Pumanaw man ang mga artista na nabanggit ko, nag-iwan sila ng alaala para sa ating lahat, ang mga pelikula na napapanood natin sa TV.
Masuwerte nga sina Kuya Ron at Daboy dahil nakagawa sila ng maraming pelikula. Hindi katulad ngayon na bihira na lang ang mga artista na nagkakaroon ng pelikula. Kasabay ng pagkamatay nila ang katotohanan na malabo nang magkaroon ng golden years ang showbiz.