Kahit pa may namayaning hindi pagkakaunawaan sa pagitan namin ni Gabby Concepcion ay hindi namin maaaring baligtarin ang kuwento. Laging sa totoo lang kami.
Nung Biyernes ng gabi sa Metro Bar, sa concert ng Side A Band kung saan naging guest si Gabby kasama ang Juan Pablo Dream, bumbunan pa lang niya ang nakikita ng manonood mula sa paakyat na hydraulic machine ay binalot na ng tilian ang buong Metro Bar.
Nakaternong itim na polo at pantalon si Gabby, kulay na mas nagpalutang pa sa kanyang kaguwapuhan kahit hindi na siya bagets, sa una pa lang niyang kanta ay hindi na magkarinigan sa lugar dahil sa mga tili at palakpakan sa kanya ng mga kababaihan.
Naging kontrobersiyal ang nasabing concert dahil ilang linggo na ang nakararaan ay may nakarating na balita sa amin na hindi raw sisiputin ni Gabby ang palabas, may kung sinong nakikisawsaw na nagsabi sa kanya na huwag na niyang puntahan ang show, tutal naman ay palagi namin siyang binibira sa aming mga kolum.
Ang Backstagepass Productions ng aming anak na si BM ang nagprodyus ng concert, bago pa sila nagkademandahan ni Mommy Rose FLaminiano ay plantsado na ang kontrata, matalino naman si Gabby para hindi niya maisip na kung hindi niya sisiputin ang show ay panibagong problema na naman ang haharapin niya.
Biyernes ng hapon pa lang ay nagkuwento na ang aming anak, “Dumating po siya on time sa rehearsal, wala kaming problema sa kanya, marunong siyang makisama,” paunang salita ng aming panganay.
Noon pa namin nasulat na propesyonal si Gabby pagdating sa mga tinatanguan niyang kompromiso, pinahanga niya kami nung puntahan pa rin niya ang booking ng aming anak para sa kanya sa Lemery, Batangas, kahit nakaburol ang kanyang ama.
Isang mahadera niyang kaibigan ang nagsabi sa kanya, “You have a very valid reason now not to go to the show, you’re mourning, maiintindihan ng mga tao kung hindi mo man siputin ang show ng anak ni Cristy,” sabi nito.
Pero nagpunta pa rin si Gabby sa show, tumupad siya sa kanyang pangako.
* * *
Nung Biyernes ng gabi ay kinarir ni Gabby ang pagkanta, parang yun na ang huling gabi ng kanyang performance, nagtawanan ang manonood nung sabihin niya na ngayon pa lang niya naiintindihan ang ibig sabihin ng pagiging in-demand.
“In-demand po ako. Demanda dito, demanda dun,” parang ginagawa na lang niyang biro ang mga kasong hinaharap niya ngayon sa husgado na isinampa ng kanyang manager.
Ang totoo ay nandun sa Metro Bar si Mommy Rose, sumama ito sa amin nina Mama Bing Perez at Princess Revilla, pero nung patapos na ang Juan Pablo Dream at malapit nang tawagin si Gabby ay lumabas na ito.
Naiintindihan namin ang saloobin ni Mommy Rose, hindi madaling makita ang kanyang alaga na kumakanta sa entablado, lalo na’t sariwa pa ang sugat ng kanilang hidwaan.
Habang nakatutok kaming mabuti sa unang kanta ng Side A ay meron kaming naramdamang mahigpit na pisil sa kanan naming braso, “Sana, mag-usap naman tayo. Kahit pakinggan mo lang ang mga sasabihin ko,” pag-angat ng aming tingin ay si Gabby Concepcion pala ang nasa likuran namin.
Sa mga ganung pagkakataon ay sukat na namin ang aming sarili, para kaming bakal na tinutunaw ng apoy, lalo pa’t singer siya ng aming anak nung gabing yun.
Pinasalamatan namin si Gabby sa pagbibigay-halaga sa kanilang kontratahan ng aming panganay, salamat din dahil pinaghusay niya ang kanyang performance, samantalang kung mang-iinis siya ay puwede nga siyang sumipot pero kakanta lang siya nang walang kalatuy-latoy.
Nag-usap kami ni Gabby, nagkapaliwanagan, hiling namin na sana, sa susunod naman, ay sila na ni Mommy Rose ang maglabasan ng kanilang mga sama ng loob para malinawan nila ang mga bagay-bagay na malabo.