Abangan n’yo mamaya ang Startalk dahil bukod sa aming 13th anniversary celebration, may malaking pasabog ang show namin.
Siyempre, hindi ko sasabihin ang pasabog ng Startalk para hindi maharang ng mga tao na sangkot sa eskandalo.
Basta, huwag ninyong ikukurap ang inyong mga mata para hindi ninyo ma-miss ang mga shocking revelation ng star witness. Star witness daw o!
Palaban ang star witness dahil sasabihin niya ang lahat ng kanyang mga nalalaman. Pipilitin ng Startalk na kunin ang panig ng kalaban ng star witness pero depende ‘yon kung makukumbinsi siyang sumagot!
* * *
Hindi pa ako sure kung aapir sa anniversary show ng Startalk si Francis Magalona. Depende ‘yon sa advice ng kanyang doktor.
Ipinagpapaalam ni Francis sa doktor ang kanyang guesting sa Startalk at ang pag-apir niya sa Eat Bulaga.
Kapag pumayag ang doktor, didiretso si Francis sa Startalk pagkatapos ng guesting niya sa Eat Bulaga.
Bawal kay Francis ang makihalubilo sa maraming tao dahil baka makaapekto ito sa kanyang sakit.
Mabuti na ang nag-iingat para lalong mapabilis ang paggaling niya.
* * *
Uso ngayon ang sakit at pamamalat ng boses kaya maging extra careful kayo. Ilang araw na akong namamaos dahil sa pabagu-bagong klima ng panahon. Biglang uulan at biglang iinit ang panahon.
Hindi sagabal ang aking pamamalat para hindi ako pumunta sa isang sosyal na department store. Ginamit ko ang mga gift certificate na matagal nang ibinigay sa akin ni Papa Miguel Belmonte.
Bumilli ako ng mga Laura Mercier product na naging paborito ko mula nang regaluhan ako ni Gretchen Barretto.
Naloka ako nang pumunta ako sa Rustan’s noong Huwebes. Hindi ko akalain na mahal pala ang mga beauty ek-ek na ibinigay sa akin ni Greta.
Imagine, matagal nang nakatambak ‘sa bahay ko ang mga beauty product as in dinedma ko ito.
Napilitan akong gamitin ang mga beauty product para hindi masayang. Lalo akong na-shock nang ma-realize ko na magaling at maganda sa balat ang mga beauty product.
Kapag nagkita kami ni Gretchen, sasabihin ko sa kanya na regaluhan niya uli ako ng mga beauty product ng Laura Mercier para lalo ko siyang mahalin.
* * *
Nag-shake hands sina Edu Manzano at Mayor Toby Tiangco pagkatapos nilang pirmahan ang MOU o Memorandum of Understanding na magkatulong nilang susugpuin ang piracy problem sa Navotas City.
Layunin ng MOU na proteksyonan ang Intellectual Property Rights, partikular ang mga orihinal at copyrighted works na optical media format. Pinasalamatan ni Edu si Papa Toby dahil sa masigasig nitong kampanya laban sa mga pirated CD, DVD at mga kauri nito sa Navotas City.
Natutuwa rin si Edu dahil bonggang-bongga ang suporta ni Papa Toby sa RA 9239 o ang Intellectual Property Rights Law. Witness ang mga opisyal ng Navotas City sa pirmahan nina Edu at Papa Toby ng MOU.