Hindi nagpa-interview si Roxanne Guinoo sa pictorial ng Emergency episode ng Shake, Rattle & Roll X na isa siya sa mga bida. Nang ma-corner ng press, puro “no comment” ang sagot sa kontrobersiya sa kanila ni Jake Cuenca noong nasa Guam sila para sa ASAP ’08.
Nagpaalam ang press kung puwede siyang interbyuhin at may pinagpaalaman yata si Roxanne, pero nang hindi na lumapit sa amin, inisip na lang namin na hindi siya pinayagang magpa-interview.
Hindi tuloy nasagot ni Roxanne kung dala sa sinasabing bugbugan nila ni Jake ang sugat niya sa kaliwang braso at mga pasa sa braso pa rin. Hindi rin narinig ang side niya sa tsikang noong nasa Guam sila ay kinausap niya si Bea Alonzo at sinabihang ingatan si Jake dahil mahal na mahal niya ang actor. Si Bea nagulat daw, pero si Jake nagalit at pinatahimik siya na ikinasama niya ng loob at rason nang pagtatakbo niya sa labas ng restaurant.
* * *
Kasama si Ynez Veneracion sa Pieta at masaya siya sa first soap niya sa ABS-CBN at wish nitong masundan pa dahil nami-miss na niyang umarte. Ibinalita nitong ibinebenta niya for P9 million ang glass house niya sa Pasig dahil sa bahay ni Mon Confiado siya nakatira’t live-in sila. Ipagpapatayo nila ng apartment row ang mapagbibilhan sa bahay.
Ten years na ang relasyon nila ni Mon, pero ’di kasali sa usapan ang kasal. Sinasabi lang daw ng ka-live-in na this year, pero hindi pa kumpirmado, ang importante ay masaya sila sa kanilang pagbabalikan.
Halatang may galit pa rin si Ynez kay Juliana Palermo na for sometime nakarelasyon ni Mon. Feeling betrayed pa rin si Ynez sa ginawa ng kaibigan na inagaw daw sa kanya si Mon.
May bagong album si Ynez under Viva Records entitled Emotional and to be released next month. Singing and acting siya ngayon dahil iniwan na ang pagpapa-sexy sa mas bata sa kanya.
* * *
Nahihiwagaan kami sa isang guwapong aktor dahil umiiwas ding magpa-interview na parang may kinatatakutang malaman ang press sa kanya. Mabilis itong nawawala sa presscon ng kanyang mga soap at parang laging nagmamadali.
Sa pictorial ng bago nitong pelikula, ang dami-daming alibi para hindi ma-interview, kesyo magpapalit siya ng damit, magpapa-make-up at huli na nang mapansin ng press na wala na siya sa venue ng pictorial.
Nali-link ang actor sa isang actress at ito siguro ang kinatatakutang mabuking ng press. Minsan naming nabanggit ang name ng actress at defensive agad ang actor na wala siyang kinalaman sa paglipat nito ng ibang network.
* * *
Sina Matet de Leon, Bianca Lapus at Dra. Lilian Juadiong ang guests sa Thursday episode ng Moms na Ipagpatawad Mo. Ikukuwento ng dalawang aktres kung paano nila napatawad ang mga taong minahal nila na gumawa ng kasalanan sa kanila.
Hosts sina Lani Mercado, Sherilyn Reyes at Manilyn Reynes ng Moms na napapanood, 5 p.m., Monday to Friday sa Q-11. (Nitz Miralles)