Aakalain mo na porke nag-asawa na ang isang babae, ang tanging gagawin na lamang niya ay mag-asikaso ng asawa at mag-alaga ng mga anak? Hindi na ngayon, kahit mahirap mapagsabay ang pagiging misis at career, maraming mga babae ang matagumpay na nahahati ang kanilang oras para sa pamilya at trabaho.
Tulad ni Eimee Edralin-Cragun, isang hands-on mother sa kanyang tatlong mga anak na ang pinakamatanda ay may 17 na taong gulang at anim na taon naman ang bunso. Isa ring matagumpay na interior designer si Eimee na isa sa 10 napili sa pageant na ginanap sa Kaliningrad, Russia at napiling Most Elegant Mother for 2008 sa nasabi ring paligsahan.
Isang environmentalist si Eimee na tutol sa divorce at separation and she works hard to keep her family intact. Graduate siya ng banking and finance at sa isang bangko sila nagkakilala ng kanyang napangasawa na isang Amerikano.
Isang hindi malilimutang karanasan kay Eimee ang pagkakapili sa kanya bilang Mrs. Philippines 2008 at pagiging isa sa Top 10 sa Mrs. World 2008 kung kaya gusto rin niyang maranasan ng mga katulad niyang may asawa ang maging isang beauty queen at rumampa sa ibang bansa na dala ang pangalan ng Pilipinas. Kaya nag-aanyaya siya sa mga misis na sumali sa nationwide search for Mrs. Philippines 2009 na ang mga mananalo ay pupunta at makikipag-compete sa Mrs. World sa Vietnam, Mrs. Globe sa USA, Mrs. Earth sa USA, Mrs. Universe sa Bulgaria.
May screening schedule para sa mga misis na 19-45 years old, may taas na 5’ 5”, at may magandang body measurement. Sa Oktubre 24, Nobyembre 8 at 9, 1-5 p.m., pumunta at magpa-register sa Mendez Medical Group, 3/F, Robinsons Ermita. Manila Magdala ng limang larawan, close up, half body, whole, two ID photos, photocopy ng NSO certified marriage contract at photocopy ng passport (if applicable). Magdala rin ng one-piece swimwear. Para sa ibang katanungan, tumawag sa 567-3305 o 703-7097.
Kahit may mga anak na kayo tulad nina Maricel Morales, Maricar Tolosa, Melanie Marquez at Eimee Cragun, pwede pa kayong maging beauty queen! Baka ito na ang huling tsansa n’yong makilala at sumikat at makoronahan sa Disyembre 17 sa Aliw Theater.
* * *
Isa pa ring maganda at matapang na babaeng senador (na malaki ang tsansa na maging isang mataas na opisyal ng bansa sa hinaharap) na isang matagumpay na ina ng tahanan at maaasahang public servant ay si Loren Legarda.
Dalawang dekadang naglingkod si Sen. Loren bilang broadcast journalist bago pinasok ang magulong mundo ng pulitika na kung saan hawak niya ang record bilang nag-iisang babae na nag-top sa senatorial race noong 1998 at 2007. Ang kanyang dedikasyon sa trabaho ay nagbunga ng pagkakapasa ng maraming batas na may national significance. Bukod dito, advocate din siya ng toxic wastes clean-up sa dating US bases sa Subic at Clark at nagbigay ng tulong na medikal sa mga biktima ng toxic waste contamination.
Itinatag din niya ang Luntiang Pilipinas para mapalaganap ang maraming environmental concerns at mabigyan ng solusyon ang mga problema dito.
Binigyan din siya ng titulong Honorary Muslim Princess ng Marawi Sultanate League for her outstanding work para sa mga Muslim.
Kamakailan, kinilala rin ni Mother Lily Monteverde ang kanyang mga naitulong bilang isang public servant sa loob ng 30 taon. Bilang ganti, nag-file ang magandang senadora ng isang Senate Resolution (SRN 676) na tinanggap ng Senado, “saluting the movie producer’s magnanimity for doing everything in her power to bring joy and entertainment to the Filipino viewers.”
* * *
Makalipas ang ilang buwan sa ere, malalaman at matutunghayan na ang pagtatapos ng ABS-CBN daytime series na Ligaw na Bulaklak, na pinagbibidahan ni Roxanne Guinoo sa October 24, Biyernes.
Sa nalalapit nitong pagtatapos, mahanap na kaya ni Leah ang tunay na makapagpapasaya sa kanya?
Napatunayan na ni Roxanne ang kanyang kakayahan bilang isang dramatic actress sa nasabing serye. Hindi biro para sa dalagang aktres ang makasama ang mga respetado at multi-awarded na aktor at aktres sa industriya katulad nina Sid Lucero, Noni Buencamino, Ara Mina,Coco Martin, Mark Abaya at iba pa kaya naman hinusayan niya talaga ang pagganap sa role.