Kinatigan ng Supreme Court ang preliminary investigation ng Department of Justice sa kaso ng mga opisyal ng ABS-CBN kaugnay ng stampede sa noontime game show nitong Wowowee sa Ultra sa Pasig na ikinamatay ng 71 katao at ikinasugat ng daan-daan pa noong taong 2006.
Dinismis ng Mataas na Hukuman ang petisyon ng ABS-CBN na ihinto ang preliminary investigation sa katwirang walang hurisdiksyon dito ang DOJ.
Kabilang sa iniimbestigahan sina ABS-CBN President Ma. Rosario “Charo” Santos-Concio na noon ay executive vice president pa ng network; Maria Socorro Vidanes, senior vice-president for television production; Marilou Almaden, executive producer at Cipriano Luspo, assistant vice-president at head ng security ng ABS-CBN na kinasuhan ng reckless imprudence resulting in multiple homicide and physical injuries.
Sinabi ng Mataas na Hukuman na nabigo ang mga petitioners na maglabas ng mga bagong isyu para baliktarin ang naunang desisyon ng Appellate court noong Enero 29, 2008.
Inutos ng Supreme Court sa DOJ na ituloy ang preliminary investigation upang madetermina ang probable cause laban sa mga petitioners.
Kabilang pa sa mga naghain ng petisyon sina Moly Stewart, Wowowee executive producer at manager; Harold James Nueva, associate producer for sets and technical; Norberto Vidanes, Wowowee director; Rey Cayabyab, assistant location manager at security coordinator; Francisco Rivera, ABS-CBN location manager; Mel Feliciano, ang assistant director ng Wowowee; at Jean Owen Garcia, floor director.
Matatandaan na kinuwestiyon ng nasabing TV network ang kakayahan ng Justice Department na magsagawa ng preliminary investigation dahil sila rin umano ang nagsagawa ng criminal investigation.
Subalit paglilinaw ng korte, ang National Bureau of Investigation ang nagsagawa ng criminal investigation at preliminary investigation lamang ang ginawa ng DOJ.
Binalewala rin ng Korte Suprema ang alegasyon nila na hindi pinanumpaan ng mga complainants ang kanilang salaysay sa DOJ at sa halip ay mas pinaburan nito ang factual findings ng nasabing kagawaran.
Ibinasura din ng SC ang paratang na nagkaroon ng pre-judgment si Justice Sec. Raul Gonzalez dahil sa naging pahayag nito na responsable sa insidente ang taga-ABS-CBN at sa halip ay pinaniniwalaan ng korte ang presumption of regulaties ni Sec. Gonzalez.
Wala pang inilalabas na statement ang ABS-CBN tungkol sa desisyon ng Supreme Court. (Gemma Amargo-Garcia)