Dahil sa 'paglalasing' Yasmien gusto nang iwan ang showbiz

May karugtong pa ang kuwento namin kahapon tungkol sa sexy actress na nagwala at inaway ang ex niyang actor dahil hindi matanggap na madali siyang nakalimutan at may nililigawan ng iba. Hanggang sa kuwarto niya sa hotel, nagwawala pa rin ang sexy actress at ayaw palabasin ng kuwarto ang dating dyowa at paulit-ulit na sinasabing mahal na mahal pa rin niya ito at makipagbalikan daw sa kanya.

Hanggang labas ng kuwarto ng hotel, naririnig ang pag-iingay ng sexy actress at naririnig ng ibang kasama ang pinagsasabi nito. Noong mahimasmasan, laking pagsisisi siguro ng sexy actress sa kanyang pinaggagawa.

Pasalamat naman ang ex-boyfriend ng sexy star na may kasama siyang kaibigan noong nasa kuwarto siya ng babae at makakapagpatunay na hindi niya ito sinaktan at siya pa ang kinalmot at sinampal sa sobrang galit sa kanya.

* * *

Magkaibigan talaga sina Iza Calzado at Sunshine Dizon dahil pati sa pagbili ng bahay, nagkasabay pa ang dalawa. Inamin na ng una na nabili niya ang bahay ni Rufa Mae Quinto sa Acropolis at umaasa siyang before Christmas ay makalipat siya’t masarap nga naman kung sa nabiling bahay sila magpa-Pasko ng kanyang pamilya.

Nauna nang nakabili si Sunshine ng townhouse sa isa sa mga phases ng Valle Verde at pinupuno niya ito ng gamit ngayon. Hangga’t makakaya, gusto nitong puro bago ang mga gamit sa bagong bahay at rason ito para hindi pa siya makalipat.

Bukod sa kanyang bedroom, ang kitchen sa townhouse ang mas inaayos ni Sunshine at mas mahal ang mga gamit dahil ‘pag libre, gusto nitong magluto. Tapos siya ng special course ng culinary arts at enjoy ito sa pagluluto. Ipinag­ma­malaki ngang mas masarap ang garlic crab niya sa luto ng inang si Dorothy Laforteza na ayaw namang pumayag.

Gaya ni Iza, pasalamat din si Sunshine na sunud-sunod na naman ang projects niya sa GMA 7 dahil may ipambabayad siya sa townhouse. Kapag natapos ang Obra, sisimulan naman nila ni Iza ang TV remake ng All About Eve at magpo-promote rin siya ng Sundo na wala pang linaw kung kailan ipalalabas ng GMA Films.

May location sa London ang original All About Eve at kung susundin ‘yun ng Channel 7, aba’y masuwerte sina Iza, Sunshine at ang actor na mapipiling leading man nila kung sa London din sila dadalhin.

Samantala, palabas pala sa TV9 ng Malaysia ang Impostora nina Sunshine, Iza at Mark Anthony Fernandez na siyempre dubbed in Bahasa. Tuwang-tuwa raw ang mga Pinoy du’n na napapanood ang drama series ng mga nabanggit.

* * *

Iniyakan ni Yasmien Kurdi ang isyung lulong siya sa bisyo at laging lasing sa mga birthday parties na dinadaluhan. Naawa na raw ang ina nito at sinabihang kundi na kaya ang intriga sa showbiz ay umalis na lang at mabubuhay naman sila kahit hindi na siya mag-artista.

Pati ang tsikang iniiwasan niyang makapareha si JC de Vera ay ikinasasama ng loob ni Yasmien dahil wala raw silang away ng former loveteam. Ang schedule sa klase niya sa New Era University daw talaga ang rason kung bakit hindi niya natanggap ang guesting sa Maynila at Obra dahil MWF ang klase niya at ganu’ng araw din ang taping ng nabanggit na shows.

Sabi ni Yasmien nang ma-interview sa storycon ng pagbibidahan niyang TV remake ng Saan Darating Ang Umaga, hindi niya puwedeng balewalain ang kanyang pag-aaral na regalo niya sa kanyang sarili. Gusto nga nitong ipagpatuloy sa UP ang kanyang pag-aaral.

Anyway, ikatutuwa ng fans ni Yasmien na may regular TV show na uli ito, ang Saan Darating Ang Umaga na papalit sa Gaano Kadalas ang Minsan at bibigyan siya ng bagong kapareha ng GMA-7 at ito’y sa katauhan ni Dion Ignacio. Gagampanan ni Yasmien ang role na ginampanan ni Maricel Soriano sa pelikula.

Si Lani Mercado ang gaganap sa role ni Nida Blanca at si Joel Torre sa role ni Nestor de Villa. Narito rin sina Andrea del Rosario, Shirley Fuentes, Arci Muñoz, at Gary Estrada. Si Maryo J. delos Reyes pa rin ang director ng TV remake ng pelikulang una niyang ginawa.

Show comments