Ang host-anchor ng programang Aksiyon Ngayon Global Patrol na si Kaye Dacer ay mahilig sa mga ora-oradang pagkikita. Pabigla-bigla ang kanyang imbitasyon, kahit saan ka nandun kapag naisip niyang magkita-kita kayo ay wala ka nang magagawa pa, kailangan mo siyang puntahan.
Isang gabi ‘yun ng malayang kuwentuhan sa kanilang bahay ni Piwee Polintan, dating miyembro ng bandang Jeremiah, na ilang taon nang nakikipaglaban ngayon sa throat cancer.
Pinatibay ng nasabing pagsubok ang kanilang pagsasama, sabay nilang hinaharap ang sitwasyon, may mga panahong nagkukumahog si Kaye kapag dumarating siya sa DZMM dahil ihinatid pa niya sa ospital si Piwee para sa chemo therapy nito.
Kung natutulungan nga naman niya ang maraming kababayan nating dumudulog sa kanyang programa ay bakit hindi niya ibibigay ang isandaang porsiyento ng pagtulong at pagsuporta sa kanyang asawa?
Nung magpunta kami sa kanilang bahay ay wala si Piwee, limang araw itong mamamalagi sa ospital para sa chemo therapy, si Kaye naman ang nag-aalaga sa kanilang anak.
“Konting panahon pa at baka he’ll be okay na. Matinding laban ang hinaharap namin ngayon, lahat na ng paraan, ginawa na namin. Salamat sa Diyos, he’s getting better now,” sabi ni Kaye.
Napakasimple ng pagkikilala nila ni Piwee, isang gabing libre si Kaye ay sumama siya sa amin sa Punchline Music Café, nagkataon namang dinalaw kami ng Jeremiah, at nahilingang kumanta si Piwee nung gabing yun.
How Did You Know ang kinanta ni Piwee, paboritong kanta yun ni Kaye, pero bago ang kanta ay nagandahan muna siya sa boses ni Piwee. Ipinakilala namin sila sa isa’t isa, nagpalitan sila ng number, hanggang sa naging magkarelasyon na sila pagkatapos nang ilang buwan.
Naging ninang nila kami sa kasal, meron na silang anak ngayon, aktibo pa ring lingkod-bayan si Kaye sa pamamagitan ng kanyang programa sa DZMM at si Piwee naman ay namahinga muna sa pagkanta dahil sa kanyang sakit na pinaglalabanan pa nito hanggang ngayon.
Ibang klase ang katapangan ng babaeng ito, wala siyang sinasanto at inuurungan, basta nasa tama si Kaye Dacer ay sabihin mo na sa kanya kung hanggang saan mo kayo gustong makarating at maninindigan siya.
Pero napakalambot ng kanyang puso sa maliliit, nabubutas ang sarili niyang bulsa sa pagtulong.
* * *
Mabilis bumiyahe ang mga balita dito sa Pilipinas papunta sa iba’t ibang bansa, bukod sa TFC ay masyado nang malayo ang kapangyarihan ng teknolohiya, bukod sa text ay kasagsagan ngayon ng e-mail.
Tumawag ang mga pamangkin namin mula sa San Jose, California, sina Rene at Roma de Leon, iniimbita nila kaming magpunta sa Amerika para makapagpahinga.
Natural lang na mas matimbang ang dugo kesa sa tubig, kaya napakarami nilang tanong tungkol sa aming suspensiyon, pero ang suporta, tiwala at pagmamahal nila sa amin ay walang kapingas-pingas.
Sa Stanford Hospital sila nagtatrabaho bilang nurse, sa kabila ng ilang taong pamamalagi na nila sa San Francisco ay hindi sila nakalilimot, kapag nasa Amerika kami ay dumadaan kami sa kanila para sa isang masayang pagsasama-sama.
Gusto rin naming pasalamatan si Ms. B (ito ang pahayagang nababasa niya) ng Sydney, Australia, hindi na namin kailangang ilabas ang emosyonal niyang mensahe tungkol sa aming suspensiyon, sapat nang alam naming nandiyan siya.
At araw-araw naman ang komunikasyon namin ni Rey-Ar Reyes ng Winnipeg, Canada, meron din silang pahayagan dun, ang Pilipino Express News Magazine.
Salamat din kina Paul Morrow at Tita Emmie Joaquin, walang hanggang pasasalamat sa kanilang malasakit at pagmamahal.