Nagpalabas na nang opisyal na pahayag ang ABS-CBN tungkol sa aming suspensiyon nung Miyerkules ng gabi sa TV Patrol World. Pagkatapos ng programa namin sa DZMM nung hapong yun ay ipinatawag kami ni Tita Cory Vidanes, managing director ng TV production, kasama naming nag-usap si Louie Andrada na production unit head ng The Buzz.
Maayos naman ang aming mga paliwanagan, pero hindi maiiwasan ang mga tanong sa aming panig, dahil sa aming pananaw ay sumagot lang naman kami sa mga akusasyon ni Nadia Montenegro laban sa amin habang nasa Canada kami.
Malinaw ang sinabi ni Tita Cory, pasable para sa kanila ang lahat ng aming sagot, ang para sa kanila’y lumabis sa kinakailangan ay ang pagtalakay sa isyung may kinalaman sa mga bata.
Ayon kay Tita Cory ay meron kaming nilabag sa ilang probisyon ng aming kontrata sa kanila, yun ang gusto naming marinig, dahil yun lang naman ang paliwanag na sasapat sa aming mga tanong.
Nanindigan kami na nung ibinibigay namin ang mga pahayag na hindi umayon sa kanilang panlasa, sa aming pananaw ay yun lang ang sasapat sa sinabi ni Nadia na wala kaming budhi, hindi magbabago ang aming paninindigan kailanman.
Wala na kami sa The Buzz sa Linggo nang hapon, kahapon ay nagsimula na rin ang suspensiyon namin sa Showbiz Mismo sa DZMM, kung paano at bakit nadamay ang nananahimik naming programa sa suspensiyon ay ihinahanap pa rin namin ng sagot ngayon.
Pero ayon kay Tita Cory ay ilang mga polisiya raw ng kumpanya ang aming nilabag, sakop nun ang dalawa naming kontrata, na nirespeto rin namin.
Natural lamang na lumutang ang maraming tanong ngayon, proteksiyon bilang talent ng istasyon ang pinakamarami sa bilang ng mga pang-uusisa na tinatanggap namin, isang uri ng tanong na siguro’y masasagot din namin pagdating ng panahong hindi na kami emosyonal.
Ilang araw pa lang ang nakararaan ay sinulat din namin sa kolum naming ito na walang kasiguruhan ang buhay sa telebisyon, sinulat namin ang naganap kay Ogie Diaz, sinabi namin na kahit ang kolumnistang ito ay hindi libre sa ganung kaganapan.
Pero tuloy ang buhay, tuloy ang ikot ng mundo, ang mahalaga ay nandito pa rin tayo na nakikisabay sa agos ng buhay na may kakambal na prinsipyo.
* * *
Nung Miyerkules ng gabi ay nagkita-kita kami ng aming mga kaibigan sa Rembrandt Coffee Shop, walang imbitasyong nangyari, basta nakita na lang namin na pahaba na nang pahaba ang mga mesa sa pagkakadugtong-dugtong dahil dumadami na rin ang nagdaratingan.
Maraming salamat sa mga kasamahan sa panulat na nakapalitan namin ng opinyon, sa mga kasamahan namin sa DZMM at sa The Buzz, sa aming mga kapatid at anak at mga personal na kaibigan na kapag nakakabalita ng kakaiba ay nagdaratingan nang walang pasabi.
Nagpunta agad sa Rembrandt si Mama Bing Perez, si Mommy Rose Flaminiano, ang mahal naming anak-anakang si Enrico Roque ng Bodega ng Bayan, si Princess Revilla na pagod at puyat pero dumating din.
Ang matagal na naming hindi nakikitang si Cogie Domingo ay parang kabuteng biglang lumitaw, dumating din sina Vice Mayor Isko Moreno at daddy Wowie Roxas, at makalilimot ba naman ang mananatiling bunsong anak ng Pangulo ng aming buhay na si Major Jude Estrada?
No more space for new messages ang mababasa sa mukha ng aming telepono, ang mga mensahe ay mula sa iba’t ibang bansa, panay-panay naman ang tawag ng panganay naming si BM na nagyayaya sa Bagaberde at manood na lang daw kami ng gig ng Juan Pablo Dream para makapaglibang kami.
Ang dami-daming kuwentuhan, maraming opinyon ang lumutang, positibo para sa amin ang ganun dahil barometro yun ng patuloy na pag-ikot ng mundo sa kabila ng mga pagsubok.
Ano ang payo namin kay Ogie Diaz na katabi namin? Nakikiraan lang sa tapat ng bahay natin ang mga problema, hindi nakikitira.