You’d think na dahil kinikilala na siya sa larangang kanyang pinasok, pagiging nobelista sa komiks at direktor sa pelikula, ay magiging maarte na si Carlo J. Caparas pagdating sa pagsasalin ng kanyang nobela sa telebisyon. Pero walang ganitong problema na kinakaharap ang dalawang higanteng network na nagpapatakbo ng kanyang mga nobela na ang pinaka-latest ay ang Pieta sa Dos at Gagambino sa Siete.
Dito sa Gagambino na sisimulang ipalabas ng GMA 7 sa Oktubre 20 ay maraming nadagdag na mga tauhan na wala sa orihinal na nobela pero, sa halip na magalit ay natuwa pa si Carlo dahil: “Nagpaalam naman sila at kahit may mga palitan sa aking istorya. Basta sa ikagaganda ng palabas ay okay lang ako, wala silang magiging problema sa akin. Marespeto nga sila sa akin dahil pinupuntahan pa nila ako sa bahay ko para ipaalam ang mga pagbabago,” anang magaling na nobelista.
Si Dennis Trillo ang gaganap ng role ni Bino na mayroong kaibigang gagamba. Magtutulong sila para labanan ang krimen at palaganapin ang kapayapaan sa mundo. Si Bino ang magiging Gagambino, ang pinakabagong super hero sa TV.
* * *
Inamin ni Mader Ricky Reyes na mismong ang bossing ng GMA 7 na si Ms. Wilma Galvante ang nag-suggest sa kanya na palitan na ang kanyang programang Parlor Games sa QTV 11 at sa halip ay gumawa ng isang lifestyle show na siya nga niyang sinunod kaya tuwing Linggo ay mapapanood na ang bagong Life and Style with Ricky Reyes na kung saan isang oras ng tsikahan ang gagawin nila ng kanyang mga panauhin tungkol sa beauty, fashion at celebrity lifestyle.
Ilan sa makakatsikahan niya ay sina former first lady Ming Ramos, GMA7’s Wilma Galvante, fashion icon Tessa Prieto-Valdez at beauty guru Cory Quirino. Pangarap din niyang mai-guest sina Mrs. Imelda Marcos, Mother Lily at Roselle Monteverde, Phil Younghusband at Carlene Aguilar.
Bukod sa kanya, may mga kasamang sosi si Mader Ricky tulad nina Ms. Becky Garcia, mga lifestyle editors na sina Ms. Ivy Mendoza, Ms.Thelma San Juan at Ms. Sari Yap. Sila ang grupong bubuo sa Sosyalan Blues.
“Isa itong kumpletong programa that we hope women will benefit,” ani Mader Ricky na hanggang ngayon ay hinihinala pa ring papasok ng politika pero siya mismo ang nagsabing “Hindi!!! Wala akong balak.”
* * *
Marami na ang hooked na hooked sa pinakabagong mini-series ng Your Song Presents My Only Hope na pinagbibidahan ng pinaka-mainit na loveteam ng henerasyon ngayon na sina Kim Chiu at Gerald Anderson, palabas sa ABS-CBN pagkatapos ng ASAP ’08.
Sa mga susunod na tagpo, ililigtas ni Rick (Xian Lim) ang kapatid niyang si Keeno (Gerald) sa tangka nitong pag-suicide. Nang makaligtas, susubukan ni Keeno na pakawalan na ang mga alaala nila ni Jessie (Niña Jose) kaya naman pupunta ito sa Boracay upang itapon sa dagat ang abo ng kanyang minamahal.
Sa kabilang dako, muling magkukrus ang landas nina April (Kim Chiu) at ni Keeno. Aksidenteng madadala ni April si Keeno sa Glorious Wellness Center na pagmamay-ari ng kanyang pumanaw na ina. At dahil sa gustong mapanatili ni Keeno ang Wellness Center, siya ang magiging manager nito.