Hindi na ma-reach si Mother Lily Monteverde! Hindi na siya maabot dahil nag-file sa Senado ng resolution si Senator Loren Legarda.
Saludo si Mama Loren sa mga kontribusyon ni Mother Lily sa entertainment business. Kung walang Mother Lily, wala nang pelikula na mapapanood ang mga kababayan natin.
Sa hirap ng buhay ngayon na lalong pinahirap ng global crisis, si Mother Lily na lang ang consistent sa pagpo-produce ng mga pelikula. Puwedeng-puwede nga naman na mag-concentrate si Mother sa kanyang ibang negosyo na walang lugi pero sige pa rin siya sa paggawa ng mga pelikula.
Lalong minahal ni Mother si Senator Loren dahil sa importansya na ibinigay nito sa kanya. Kung hindi n’yo pa alam, adopted Regal baby ni Mother si Mama Loren at palagi niyang sinusuportahan ang kandidatura at mga project ng kanyang favorite lady senator!
* * *
Ang mga maid of honor ko ang nagkuwento sa akin na favorite show nila ang Lalola. Hindi sila bumibitiw sa panonood ng Lalola mula nang mag-umpisa ito noong Lunes.
Aliw na aliw daw sila sa kuwento ng Lalola, lalo na kay Keempee de Leon. Ang galing-galing daw ni Keempee bilang gay friend ni Wendell Ramos.
Si Keempee raw ang rason kaya nakakatuwang panoorin ang Lalola. Hindi matatawaran ang husay ni Keempee dahil nagmana siya sa kanyang tatay na si Joey de Leon. Para que pa’t naging anak ni Joey si Keempee kung hindi ito magiging talented?
* * *
Pupunta ako mamaya sa Sofitel dahil nag-promise ako kay Mang Erning Lim na dadalo ako sa kanilang trade fair exhibit.
Dalawang araw ang trade fair sa Sofitel, Huwebes at Biyernes. Pinili ko na pumunta ngayon dahil masyadong memorable sa akin ang araw na Biyernes.
Huwag n’yo nang itanong kung bakit. Basta, iiwasan ko na magawi sa poolside ng Sofitel at kung hindi ko mapigilan ang aking sarili, sisiguraduhin ko na may mga kasama ako para may mga witness. May mga witness daw o!
* * *
Abangan ninyo ang guesting ni Lorna Tolentino sa Deal Or No Deal. Naglaro si LT sa game show ni Kris Aquino noong Martes.
Hindi umuwing luhaan si LT dahil nanalo siya. Hindi ko sasabihin ang halaga ng kanyang napanalunan para hindi ma-pre-empt ang show ni Tetay.
Mapupunta sa Rudy Fernandez Foundation ang kadatungan na napanalunan ni LT. Sinamahan siya sa paglalaro ng kanyang mga anak na sina Raphe at Renz. Nag-join din kay LT ang kanyang nanay at mga kapatid.
* * *
Mamayang gabi at hindi pala kagabi ang tribute kay Khryss Adalia. Ipalalabas sa UP Film Center ang My Monster Mom, ang last movie ni Khryss bago siya sumakabilang-buhay dahil sa colon cancer.
Invited ang lahat sa screening ng My Monster Mom. Hindi naman siguro malaking kabawasan kung magbibigay ng konting tulong ang mga manonood ng pelikula.
Tiyak na mami-miss si Khryss ng kanyang pamilya at mga kaibigan, pati na ang mga artista na nakatrabaho niya sa mga programa ng GMA 7. Nakaburol ang labi ni Khryss sa Funeraria Paz, Araneta Avenue, QC. Tinupad ng mga naulila ni Khryss ang bilin nito na gawin na mala-garden ang lugar na pagbuburulan ng kanyang labi.