Kasama si Benjie Paras sa cast ng Gagambino pero bukod-tangi na siya ang walang standee sa presscon noong Lunes ng gabi.
Siyempre, na-upset ako pero nag-apologize na ang in-charge sa mga standee. Talagang nakalimutan daw na isama sa listahan ang name ni Benjie.
Dahil feeling upset ako, umuwi kaagad ako ng bahay. Hindi ko na hinintay na mag-umpisa ang presscon pero bago ako nag-babu, kinuha ko muna ang mga give-away. Mas nakaka-upset yata kung uuwi ako ng walang bitbit ‘noh!
Hindi na kami nag-abot ni Alfie Lorenzo sa presscon ng Gagambino. Kung nagkita kami, siguradong magiging mahaba ang aming pag-uusap. Marami akong gustong itanong sa kanya na alam ko na sasagutin niya. Si Alfie pa?
Knowing him, siya mismo ang magkukuwento ng mga latest development sa kanyang buhay. Hintayin na lang natin ang kanyang pagsasalita.
* * *
Umabot sa 21% ang rating ng pilot episode ng Family Feud ni Richard Gomez. Mataas na ‘yon para sa isang bagong game show na nag-umpisa noong Lunes.
Hindi nagkakalayo ang ratings ng Family Feud at ng Deal Or No Deal ni Kris Aquino. Magkatapat ang mga game show nina Goma at Tetay. Tiniyak ni Richard na hindi makakaapekto sa friendship nila ni Kris ang tapatan ek ng kanilang mga programa. Para kay Richard, friendly competition ang rivalry ng Family Feud at Deal Or No Deal.
* * *
Tinawagan ako ni Becky Aguila sa telepono noong Lunes. Nilinaw niya na false at hindi true ang mga balita na nanggagaling sa kampo ng kanyang dating empleyado.
May balak si Becky na idemanda ang ex-employee niya. Kasama raw sa mga magsasampa ng kaso si Jennylyn Mercado.
Abangan natin ang mga susunod na kabanata. Tingnan natin ang isasagot ng ex-employee ni Becky sa mga paratang laban sa kanya. Alive na alive na naman ang showbiz dahil sa rami ng mga kontrobersya!
* * *
Kahapon ang last taping day ng Gaano Kadalas Ang Minsan pero sa November pa matatapos ang show na number one sa mga afternoon show ng GMA 7.
Habang papalapit ang pagtatapos ng Gaano Kadalas..., lalong tumataas ang rating nito.
Ang Saan Darating Ang Umaga ang ipapalit sa Gaano... Si Yasmien Kurdi ang bida sa Saan Darating Ang Umaga at si Lani Mercado ang gaganap bilang nanay niya.
Hit movie noong dekada ’80 ang Saan Darating... Ito ang unang pelikula ni Maricel Soriano sa Viva Films at unang pelikula niya sa labas ng Regal Films.
Sikat na sikat din noon ang theme song na kinanta ni Raymond Lauchengco. Malaking factor ang theme song sa limpak-limpak na datung na kinita ng pelikula nina Maricel at Nida Blanca.
Si Jaypee de Guzman ang bagets na inampon nina Nida at Nestor de Villa. Binatang-binata na ngayon si Jaypee pero hindi na siya active sa showbiz. Pang-behind the scenes ang drama niya.