Tuluyang ipinagbawal ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang pagpapalabas sa mga lokal na sinehan ng pelikulang Death in the Land of Encantos na idinirehe ni Lav Diaz at nagkamit ng maraming parangal sa ibayong-dagat.
Binigyan ng MTRCB ng X rating ang Encantos dahil umano sa isang eksena rito na nakahiga sa kama ang isang hubad na babae na kitang-kita ang mga dibdib at ibang maselang bahagi ng katawan.
Nagrepaso at nagbigay ng ekis sa pelikula ang mga miyembro ng board na sina Amalia Fuentes, Ros Olgado at Fr. Nick Cruz.
Mariing kinondena ni Diaz ang ginawa ng MTRCB sa pagsasabing hindi siya naniniwala sa censorship at hindi niya babaguhin ang Encantos na naunang nagkamit ng Special Mention prize sa Orizzonti section ng Venice International Film Festival noong nakaraang taon. Sa nagdaang Urian Awards, tumanggap ito ng award para sa Best Production Design.