Hindi ako nagkamali ng desisyon na pumunta sa presscon ng GMA 7 para kay Richard Gomez at sa kanyang bagong game show na Family Feud.
Isinali nila ako sa contest at nag-win ng P50K ang grupo namin nina Jerry Olea, Shirley Pizarro at Bot Glorioso.
Hinati namin ang premyo at nagbigay kami ng balato sa mga reporter na sumuporta sa aming grupo. Sumuporta raw o!
Enjoy na enjoy ako sa Family Feud. Ang husay-husay na ni Richard na mag-host ng isang game show. Malaki ang laban ng show ni Richard sa Deal Or No Deal ni Kris Aquino.
Ganadung-ganado si Richard sa kanyang bagong TV show. Talagang pinaghahandaan niya ang taping ng bawat episode.
Hindi ako magtataka kung malampasan ng Family Feud ang ratings ng Whammy at Go Bingo.
Ang Family Feud ang pinakamatagal na TV game show sa Amerika dahil hindi ito pinagsasawaan ng mga tao. Good luck kay Richard at sa buong staff ng Family Feud!
* * *
Sumali rin sa Family Feud si Isabel Oli pero Luz Valdez ang kanyang grupo. Inintriga ko si Isabel na hihiwalayan na siya ni Paolo Contis dahil hindi siya nag-win!
Tawa lang nang tawa si Isabel. Hindi niya sineryoso ang pang-ookray ko. Alam niya na can’t afford si Paolo na iwanan siya. Confident na confident si Isabel na siya na talaga ang future Mrs. Paolo Contis!
* * *
Guest sa Startalk sa Sabado si Patani Dano, ang pambansang yaya na natsugi sa Survivor Philippines noong Lunes.
Karakter na karakter si Patani. Siya ang favorite ng mga nanonood ng Survivor Philippines. Malakas ang loob ni Patani. Pang-showbiz siya!
* * *
Pinag-uusapan kahapon sa presscon ng Family Feud ang away nina Mama Cristy Fermin at Nadia Montenegro.
Iisa ang tanong ng mga reporter, inilihim nga ba ni Nadia ang kanyang panganganak? Itinanggi na ni Nadia ang pasabog ni Mama Cristy pero pinaninindigan nito ang kanyang mga isiniwalat sa The Buzz. Nalimutan na ng mga tao ang away nina Mommy Rose Flaminiano at Gabby Concepcion na ugat ng hidwaan nina Mama Cristy at Nadia.
* * *
Happy birthday today sa loyal PSN reader na si Darlin Mancilla ng California. Advance happy birthday din sa kanyang mister na si Ricoh na magdiriwang naman ng birthday sa October 15.
Ibinalita sa akin ni Darlin na magbabakasyon sila sa Pilipinas ng kanyang pamilya sa December. Puwede ba raw silang pumunta sa studio ng Startalk para manood at ma-meet ako ng personal. Why not? Sabihin n’yo lang sa akin kung kailan n’yo type na pumunta sa studio para maibilin ko sa staff ng aming show. Welcome na welcome sa Startalk ang loyal readers ng PSN!