Antoinette at Karylle: Nagbulag-bulagan
Nakaka-insecure dahil hindi ko napanood ng buo ang word war sa TV nina Nadia Montenegro at Cristy Fermin noong Linggo.
Tuwing 6 p.m. ang oras ng misa sa lugar namin kaya hindi ko na napanood ang last portion ng The Buzz at Showbiz Central kaya clueless ako sa mga nakakaloka raw na statement nina Nadia at Mama Cristy.
Ang interview kay Antoinette Taus sa Showbiz Central ang nasimulan ko. Kilig na kilig nga ang aking mga maids of honor sa mga pa-tweetums na sagot ni Antoinette kapag tinatanong ito tungkol sa past nila ni Dingdong Dantes.
Aliw na aliw sila nang sabihin ni Antoinette na nagkaroon sila ni Karylle ng chance encounter sa Rockwell pero hindi nila nakita ang each other dahil para silang mga naging bulag.
Na-miss ko rin ang pag-apir ni Mark Anthony Fernandez sa Don’t Lie To Me segment ng Showbiz Central.
Hindi naman ako nanghihinayang na marami akong na-miss noong Linggo dahil mas importante sa akin na makadalo sa misa. Tiyak na na-guilty ako kung hindi ako nakapagsimba!
* * *
Natutuwa ako kapag nakakatulong ang aking kolum sa mga kababayan natin na nangangailangan o may hinahanap na kasagutan sa kanilang mga katanungan.
Ang feeling ko, nagiging instrumento ang kolum ko para makatulong, itsurang showbiz at hindi ito public service column.
Nakatanggap ako kahapon ng e-mail mula kay Riza ng Virginia, USA. Hindi ko inilagay ang e-mail address ni Riza dahil kahit maganda ang kanyang intensyon, may mga masasamang loob na puwedeng magsamantala sa kabutihan niya. Ito ang e-mail sa akin ni Riza:
I am a regular reader of your column in PSN. Dito ako based sa Virginia, USA. May isa akong kaibigan na gustong mag-donate sa Kapwa ko Mahal ko. Nakita niya sa website ang picture ng batang si Mhizren Corbito, 2 months old from Pamiga, Batangas.
Meron siyang hydrocephalus at nangangailangan ng VP shunting (only treatment for hydrocephalus). It is a surgery that entails removing the fluids in the girl’s head. Gusto siyang tulungan ng kaibigan ko sa pagpapaopera ng bata. Nag-search kami sa Internet kung sino ang dapat sulatan, tawagan or i-email pero wala kaming makita. Then I remembered taga-GMA ka. I hope you can help us on this, Manay, kailangan namin ng pangalan kung sino ang kakausapin, ang email or phone number niya. Maraming salamat, inaasahan ko ang mabilis mong pagsagot.
* * *
Nananawagan ako sa staff ng Kapwa Ko, Mahal Ko na makipag-ugnayan sa akin para maibigay ko sa inyo ang e-mail address ni Riza na may ginintuang puso.
Sigurado ako na makakarating sa staff ng Kapwa Ko, Mahal Ko ang panawagan ni Riza dahil well-read ang PSN ’no!
Dumami pa sana ang mga katulad ni Riza at ng kanyang kaibigan na handang tumulong sa mga kapuspalad. May your tribe increase!
* * *
Nagbago ng isip si Mother Lily Monteverde noong Sabado. Hindi siya nag-guest sa Startalk kaya hindi namin siya naging co-host.
Naisip siguro ni Mother na blockbuster sa takilya ang Matakot Ka sa Kulam kaya puwede na siyang hindi mag-promote sa Startalk.
Malaki ang contribution ni Mother sa success ng Kulam. Hindi lang siya ang produ. Tumulong din si Mother sa promo ng pelikula ni Judy Ann Santos.
At dahil kumita ng limpak-limpak na salapi ang Kulam, magkakaroon ng victory party ang Kulam dahil gusto ni Mother na mag-share ng blessings. Hindi ko sasabihin ang venue ng victory party para hindi ito puntahan ng mga gaka.
- Latest