“Medyo nagkakahiyaan pa kami,” sagot ni Heart Evangelista nang kumustahin namin ang pagtatambal nila ni Dennis Trillo sa Chinoy episode ng Dear Friend na mapapanood bukas, after SOP. First time magkakasama ang dalawa sa isang drama at dahil nahihiya ang aktor, nahiya rin siyang kausapin ng aktres.
Excited ang actor na makatrabaho si Heart na noon pa niya inaming crush niya, may pag-asa kaya siya sa actress ’pag itinuloy niya sa panliligaw ang paghanga rito?
“Hindi pa naman ako kasal, pero gusto kong i-enjoy muna ang samahan namin. Mas maganda kung friends kami, friendship is more lasting. Hanggang kilig-kiligan puwede at ’di kailangang maging kayo,” pahayag ni Heart.
Hindi inililihim ni Heart na she’s going out with Francisco Delgado, isang non-showbiz guy na ang business ng pamilya’y shipping company.
“I’m dating and I’m not gonna hide it. Non-showbiz ang gusto ko ngayon. Traumatized ako with my past relationship, but I’m not bitter. I deserve to be happy,” sabi ni Heart.
Anyway, magandang love story ang Chinoy at bagay sa first team-up nina Heart at Dennis.
* * *
Si Sunshine Dizon ang next featured star sa Obra ng GMA 7 at magsisimula siyang mapanood sa October 9. Kung susundin ang unang episode na kanyang na-tape, ang Drama Queen sa direksyon ni Maryo J. delos Reyes ang pilot sa four episodes na pagbibidahan nito.
Challenge kay Sunshine ang role ng isang dating sikat na artistang nalaos dahil nag-drugs at patatandain pa siya hanggang 60 years old. Period episode ang tawag niya rito’t naka-costume at prosthetics pa siya at makikipagtagisan ng galing kina Yul Servo at Liza Lorena.
Mapipiga rin ang husay sa acting ni Sunshine sa Butch episode sa direksyon ni Joel Lamangan na lalabas siyang tibo, sa Rosa Negra, kung saan role ng negrang na-in love sa isang hunk ang gagampan niya sa direksyon ni Jun Lana at sa horror episode na Sapi sa direksyon ni Topel Lee.
Bukod sa four-week stint sa Obra, mapapanood din si Sunshine sa GMA Films movie na Sundo na bida si Robin Padilla at showing sa October 22. Susunod dito’y ang pagsasama nila nina Iza Calzado, Eula Valdez at Jean Garcia sa remake ng Korean novela na All About Eve.
* * *
Birthday presentation ni German Moreno mamaya sa Walang Tulugan at magsasama-sama ang mga kaibigan niyang ABS-CBN at GMA 7 talents para bigyan siya ng masayang show. Darating ang mga Kapamilyang sina Gary Valenciano, Christian Bautista at Vina Morales at kabilang naman si Ogie Alcasid sa Kapuso talent na babati sa TV host.
Sayang at hindi makakarating si KC Concepcion dahil nag-extend ito ng stay sa Paris kasama sina Richard at Raymond Gutierrez at bukas pa ang dating ng tatlo.
Hindi invited ang anak-anakan ni kuya Germs na si Billy Crawford, pero paano kung bigla itong dumating at personal na batiin ang ama-amahan sa showbiz? Basta consistent si Kuya Germs sa pagsasabing magkalimutan na sila ni Billy.