Nagdemandang Manager Nakiramay Kay Gabby

Dead on arrival ang deklarasyon ng mga doktor ng Lourdes Hospital tungkol sa pagkamatay ng ama ni Gabby Concepcion na si Daddy Rollie, heart attack ang dahilan, ilang taon nang gustong paope­rahan ng kanyang pamilya si Daddy Rollie pero ito pala ang umaayaw.

Nung dumating sa bansa si Gabby nung March 30 ay dumiretso siya agad sa The Buzz para sa isang eksklusibong interbyu, dun ay sinabi niya na umuwi siya hindi para makipag-away, kundi para magtrabaho at makita ang kanyang amang maysakit.

Labingtatlong taong namalagi sa Amerika si Gabby, sa loob nang mahabang taong yun ay gusto niyang umuwi para madalaw ang kanyang mga magulang dito, pero napipigilan yun ng mga legal na dahilan.

May dalawang kaso siyang naka-file sa korte, meron pang nakalabas na warrant of arrest laban sa kanya, kaya gusto man niyang makasama ang kanyang pamilya ay hindi yun nangyari.

Aksidente lang ang pagkikita nila ni Mommy Rose Flaminiano sa Hawaii, tinanong siya ng prodyuser kung gusto pa rin niyang mag-artista, sinabi ni Gabby na hindi na dahil sa kanyang mga problemang legal.

Pinag-usapan nila ang kanyang mga kaso, si Mommy Rose at ang abogadong asawa nito ang umasikaso sa mga dokumento ni Gabby, sila rin ang nagpiyansa sa aktor nung nandito na siya sa bansa.

Nagkaroon pa ng pagkakataong makasama ni Gabby si Daddy Rollie sa loob ng halos anim na buwan, laking pasasalamat ni Gabby, dahil nagawang posible ng kanyang manager ang isang bagay na ang akala niya’y hindi na mangyayari pa.

Kahit pa nagkakaroon sila ng problema ngayon ni Mommy Rose ay ito pa rin ang gumawa ng dahilan para magkasama silang mag-ama, nakalulungkot isipin na kung hindi siya nagawang iuwi dito ni Mommy Rose, ibuburol at ililibing ang kanyang ama nang hindi man lang niya nakikita.

* * *

Namatay si Daddy Rollie Concepcion sa kasagsagan ng alitan nina Gabby at Mommy Rose, hindi man alam ng ama ni Gabby ang mga detalye ng kanilang demandahan ni Mommy Rose, kahit paano’y umiiral ang pagkaama nito.

Pero hindi naman parehas na isisi sa manager ni Gabby ang pagkamatay ng kanyang ama, kung si Mommy Rose ang sisisihin sa kaganapang ito, ang makaka­kontra naman ng katwirang yun ay ang katotohanan na kapag dumating na ang takdang oras ng ating buhay ay wala na tayong magagawa pa.

Kahit ang mga bilyonaryo na kayang bumili ng buhay kung pepresyuhan lang ay hindi nagkakaroon ng oportunidad na mas humaba pa ang kanilang oras sa mundo, ang nakatakda ay nakatakda na, wala nang makapipigil pa.

Matagal nang maysakit sa puso si Daddy Rollie, ayon kay Gabby ay yun ang unang-unang dahilan kung bakit gusto niyang makauwi, pero masuwerte pa rin ang aktor dahil bago nawala ang kanyang ama ay nagkaroon pa sila ng pagkaka­taong magkasama nang matagal-tagal.

Ang nakalulungkot lang ay namatay si Daddy Rollie nang hindi pa nagka­ka­sundo sina Gabby at Mommy Rose, merong mga namamagitan para sa kanilang pagkakaunawaan, pero hindi pa sila nagkakausap nang masinsinan hanggang ngayon.

Ginanap na ang unang pagdinig ng kaso nung Martes nang hapon, dumating sa husgado si Mommy Rose, si Gabby naman ay nagpadala ng kanyang abogado.

Hindi na si Attorney Raymond Fortun ang humahawak ng kaso ni Gabby, idinemanda rin ito ni Mommy Rose, kaya ang humalili dito ay si Attorney Dexter Lacuanan.

Nakarating agad kay Mommy Rose ang balita tungkol sa pagkamatay ng ama ni Gabby, at tulad ng inaasahan, sa kabila ng hindi nila pagkakaintindihan ng kanyang alaga ay taos-puso ang pakikiramay nito sa buong pamilya.

Ayon naman sa impormanteng nakausap namin mula sa kampo ni Gabby ay matagal na palang hindi maganda ang sitwasyon ni Daddy Rollie, minsang guma­ganda ang sitwasyon nito at minsan namang mahinang-mahina, pero talagang ayaw na raw sumailalim pa sa heart surgery ni Daddy Rollie.

Sinusulat namin ang kolum na ito ay wala pang kumpirmasyon kung kailan ang libing ni Daddy Rollie Concepcion.

Show comments