Tulad ni Jolina Magdangal, si Marvin Agustin ay nagsimula sa bakuran ng ABS-CBN at doon din siya unang nakilala. Pero kalaunan, siya’y nangibang bakod sa GMA 7 at hindi naman niya ito pinagsisisihan dahil hindi siya nawawalan ng proyekto sa Kapuso network. Katunayan, kahit ongoing pa ang panghapong TV series na Gaano Kadalas ang Minsan ay meron na siyang sisimulang primetime TV series, ang La Lola.
Meron pa siyang Dear Friend na kasama ang dating ka-love team na si Jolina.
At kung maganda ang takbo ng kanyang showbiz career, hindi rin nagpapahuli ang pagiging isang matagumpay na negosyante ni Marvin sa pamamagitan ng kanyang iba’t ibang restoran kung saan niya kasosyo ang ilan sa kanyang mga kaibigan. Pagdating naman sa kanyang domestic life, happy din si Marvin dahil sa kanyang kambal na sina Santiago at Sebastian at tahimik naman siya pagdating sa kanyang lovelife.
Kung dati-rati’y nasa pangangalaga si Marvin ng Talent Center (na Star Magic na ngayon) ng ABS-CBN, ngayon ay nasa poder na siya ng GMA Artist Center (GMACC).
Dumaan din siya sa pangangalaga ng OctoArts Films big boss na si Orly Ilacad bago siya nag-sign-up sa GMAAC.
* * *
Napakabait at napaka-accommodating ng mayor ng booming city ng Taguig na si Mayor Sigfrido “Freddie” Tinga kaya hindi kami nagtataka kung bakit ganoon siya kamahal ng kanyang mga constituents at ang mga taong naglalagay ng negosyo sa Bonifacio Global City.
Sa iba’t ibang siyudad at munisipalidad ng Pilipinas, ang Taguig City na nga yata ang pinakamabilis magproseso ng mga dokumento (tulad ng business permit at iba pa) at walang red tape dito hindi tulad ng ibang lugar.
Nakadaupang-palad namin ang batang alkalde ng Taguig at isang malaking prebilihiyo sa amin na binigyan niya kami ng oras sa kabila ng kanyang napakahigpit na schedule.
Bukod sa mabait na mayor, nariyan pa ang kanyang ever-reliable officers and staff tulad nina Ma. Grace Pagkatipunan (executive assistant III), Mary Ann Marcelino (purchasing officer) at ang kanyang equally mabait na sekretarya na si Raquel Guevarra.
Since may planong mag-expand ng negosyo sa Bonifacio Global City ang aming kaibigan, nag-courtesy visit kami sa tanggapan ni Mayor Tinga at nagulat kami sa mainit na pag-istima sa amin.
* * *
Naging bukas na aklat ang buhay ni Mark Anthony Fernandez, ang panganay na anak (sa aktres na si Alma Moreno) ng yumaong action superstar na si Rudy Fernandez. Mula sa kanyang pagkabata hanggang sa kanyang pagbibinata, sa kanyang Guwapings days at hanggang sa kasalukuyan ay nasubaybayan siya ng publiko.
Malalim ang pinagdaanan ni Mark pero ang lahat ng ito’y nakatulong sa kanya para maging isang mahusay na aktor. Meron kasi siyang pinaghuhugutan.
Sa nakikita namin ngayong pagbabago ni Mark, nag-mature na talaga siya at ito’y nakabuti sa kanya dahil mas committed at dedicated na siya ngayon sa kanyang trabaho kaya naman sunud-sunod din ang mga blessings na dumarating sa kanya ngayon.
Nanghihinayang nga lamang si Mark Anthony na kung kelan nagbago at maganda na ang takbo ng kanyang career ay saka naman nawala ang kanyang mahal na amang si Rudy Fernandez na kanyang idolo at inspirasyon.
Ilang buwan na lamang at Pasko na at ito ang kauna-unahang selebrasyong hindi na makakapiling ang ama.
Ngayong malapit nang magtapos ang Ako si Kim Sam Soon nila ni Regine Velasquez, meron nang bagong proyekto ang naghihintay sa kanya ang GMA 7.