Aiza May Pinagmanahan

 Mamayang gabi sa Maalaala Mo Kaya, muling patutunayan ni John Lloyd Cruz kung bakit isa siya sa maituturing na pinakamagaling na aktor hindi lamang sa bakuran ng ABS CBN/Star Cinema kundi maging sa kabuuan ng industriya ng local showbiz. Sa kauna-unahang pagkakataon ay gaganap siya ng role ng isang baliw. Kasama ang mahusay ding si Alessandra de Rossi.

 “First time naming magkasama ni Alex, matagal ko na siyang gustong makasama. Magaan siyang kasama, magaling. Ako, kailangang manatili sa aking character for the rest of the day, si Alex agad nakakabalik sa kanyang sarili kapag tapos nang kunan ang eksena. Ganun siya kagaling.

“Gumawa ako ng pag-aaral for my role, kahit kapos sa panahon. Gusto ko nga sana ay pumasok ng ward sa mental hospital para mas maramdaman ko kung paano maging isang baliw pero, walang oras.

“Although maraming artista ang natsa-challenge sa mga ganitong offbeat roles, ako I find more challenge sa mga simple roles. Mas mahirap bigyan ng puso at kulay ang mga common tao,” sabi ng aktor na sa paghahangad na mabigyan ng credibility ang kanyang trabaho ay gustong makaganap sa marami at iba’t ibang mga roles.

Maganda ang takbo ng kanyang career. Kamakailan ay ipinakita niyang muli ang malakas niyang hatak sa takilya sa pelikulang A Very Special Love kasama si Sarah Geronimo. Palabas pa ito hanggang sa kasalukuyan. Nagbabalik-TV din siya bilang Armando sa seryeng I Love Betty La Fea kasama ang kanyang ka-love team na si Bea.

Walang patid ang pagdating ng biyaya kay John Lloyd. In-demand siyang product endorser.

Wala na ngang mahihiling pa ang aktor na labis na ikinalulungkot na nalilimita ng network wars ang pagkakataong makatrabaho niya ang ilan sa mga artistang babae na pangarap din niyang makasama tulad nina Marian Rivera at Iza Calzado.

* * *

Twenty five years old na pala si Aiza Seguerra, swerteng naimbitahan ako sa napaka-private niyang selebrasyon na dinaluhan ng kanyang pamilya lamang at ilang piling kaibigan sa kanilang Imperial St., Cubao residence. Isang gabi ’yun ng kainan, tsikahan at sing-along. Kaya naman pala maganda ang boses niya, magagaling ding kumanta ang mga magulang niya.

May nagawa palang isang album na masasabing international na ipamama­hagi sa mga bansa sa Asya tulad ng Singapore, Malaysia, Indonesia, Hongkong, Japan at Philippines.

Pinamagatang Open Arms, naglalaman ito ng 13 revival songs at kasalu­kuyan nang naririnig ang kantang Home sa mga nasabing bansa sa Asya bilang pagpapakilala sa album. Magkakaroon ng local launching ang Open Arms sa October 3 sa Eastwood. Prodyus ito ng S2S Production na siyang namamahagi ng album sa Asya at dito naman, ang Star Records ang distributor.

Narinig lamang ng S2S Prod na kumanta si Aiza at nagustuhan nila siya. Pumunta rito ang representative ng kumpanya para mapakinggan siya ng personal. Di lamang ang boses niya ang nagustuhan nila sa kanya kundi ang kanyang live performance. Pinapirma nila siya ng kontrata. Bukod sa Open Arms meron siyang mga mini concerts sa mga malls sa ilang bansa sa Asya para i-promote ang album niya.

Show comments