Robin naglayas dahil sa anak!
Isang buwan na mawawala si Robin Padilla sa bansa kaya nagpatawag ng presscon ang GMA Films para sa kanya.
Si Robin ang bida sa Sundo at ang GMA Films ang produ ng pelikula. Gusto ng GMA Films na tuloy-tuloy ang publicity ng unang pelikula ni Robin sa GMA Films, itsurang nasa abroad siya.
Pinuntahan ko ang TV interview kay Robin sa Dulcinea noong Huwebes. Sinamahan ko si Butch Francisco na nag-interbyu kay Robin para sa Startalk.
Lalong gumuwapo si Robin dahil bagay sa kanya ang buhok na maigsi. Type ko ang kuwento ni Robin tungkol sa kanyang anak na si Queenie. Nagkaroon ng tampuhan ang mag-ama pero imbes na si Queenie ang naglayas, si Robin ang umalis sa kanilang bahay.
Okey na uli ang relasyon ng mag-ama dahil normal sa mga father and daughter na magkaroon ng tampuhan.
Hindi lamang ang shooting ng Sundo ang pinagkakaabalahan ni Robin. Pinaghahandaan din niya ang taping ng bagong TV series niya sa GMA 7, ang TV remake ng Totoy Bato. Uumpisahan sa November ang taping ng Totoy Bato at baka sa January 2009 na ang airing nito.
* * *
Wala sana akong balak na lumabas ng bahay kahapon pero hindi ko matanggihan ang imbitasyon ng Mel & Joey.
Inimbitahan nila ako para sa taping ng birthday celebration ni Joey De Leon na next month pa ipalalabas sa Mel & Joey.
Mortal sin kung hindi ako magiging part ng birthday celebration ni Papa Joey ‘noh! Naging ugali ni Papa Joey na mag-celebrate ng kanyang birthday sa ibang bansa kaya missing in action siya sa kanyang actual birth date.
Iniisip ko pa ang birthday gift na ibibigay ko kay Papa Joey. Isang bagay ang sure ako, never ko na ireregalo ang sarili ko sa kanya! ‘Yun lang!
* * *
Mama Salve, natawa naman ako sa headline kahapon ng column ni Mama Cristy Fermin na nalitson si Nadia Montenegro sa presscon ni Mommy Rose Flaminiano.
Natawa ako pero huwag n’yo nang itanong kung bakit. Basta ang alam ko, inamin ni Nadia na siya ang composer ng text message against Mommy Rose na kumalat at natanggap ng mga reporter.
Na-insecure nga ako dahil hindi ko natanggap ang kumalat na text message at kung sakaling pinadalhan din ako, siguradong hindi ko nabasa dahil hindi ako marunong magbasa ng text. Hanggang pagsagot lang ng cellphone ang alam ko at kadalasan, naririnig ng mga kausap ko sa kabilang linya ang mga dialogue ko, kahit tapos na kaming mag-usap dahil hindi rin ako marunong mag-turn off ng telepono. Mahirap talaga na maging ignorante sa modern technology.
* * *
Alive na alive si Ely Buendia. Hindi totoo ang mga text message na natsugi na siya. Una kong narinig ang tsismis nang pumunta ako sa Pond’s Pinkish White Dream Date presscon nina Piolo Pascual at Dingdong Dantes.
Pinag-uusapan ng mga reporter na nakatanggap sila ng text message na natsugi raw si Ely.
May-I-call ng isang reporter ang bossing ng Sony BMG Records na naloka dahil walang katotohanan ang balita.
Buhay na buhay raw si Ely at naka-schedule pa ito na mag-recording ngayon. May dead ba na nagre-recording?
Sa susunod na may ganyang tsismis na kumalat, talagang dapat mag-verify sa mismong tao na sangkot o sa kanyang pamilya at mga kaibigan. Huwag basta maniwala sa mga tsismis na sensitibo ang topic. At sa nag-imbento ng balita na na-dead si Ely?Matakot ka sa karma!
- Latest