Himala ni Nora pasok sa Greatest Asian Films of All Time ng CNN-UK
Tiyak na matutuwa ang mga Noranians at ang mga Filipino in general kapag nakapasok ang pelikulang Himala na pinagbidahan ng superstar na si Nora Aunor sa CNN-UK’s provisional list of Greatest Asian Films of All Time.
Matagal-tagal na ring panahong hindi aktibo sa paggawa ng pelikula si Nora Aunor na based na ngayon sa Amerika pero mananatiling klasiko ang maraming pelikulang ginawa at pinagbidahan nito at kasama na rito ang Himala na humakot noon ng maraming awards.
Sa totoo lang, isa si Nora sa maituturing na pinakamahusay na aktres sa pinilakang tabing at nakapanghihinayang na hindi na ito aktibo ngayon sa paggawa ng pelikula. At kung sakaling siya’y bumalik ng Pilipinas, sino sa ating mga local producers ang willing na siya’y muling sugalan sa pelikula?
* * *
Hanggang sa buwan ng Oktubre na lamang mapapanood ang Gobingo ng singer-TV host na si Arnell Ignacio.
Although alam niyang tatakbo lamang ito ng dalawang seasons o anim na buwan, hindi rin siyempre mawala sa kanya ang malungkot dahil napamahal na sa kanya ang programa.
“Iba kasi ang pakiramdam kung marami kang taong napapasaya sa pamamagitan ng programa,” ani Arnell nang ito’y aming makausap.
Ang Gobingo ay papalitan ng local version ng bagong game show na Family Feud na si Richard Gomez ang host.
* * *
Plano ng OctoArts Films na gumawa ng movie na inspired ng pelikulang Gossip Girls na ididirek ni Joey Javier Reyes na siya ring gagawa ng script. Wala pang idea ang OctoArts kung sinu-sino ang bubuo ng cast ng local version ng Gossip Girls at open umano sila sa mga suggestions.
Samantala, tiyak na matutuwa ang mga tagahanga ng TVJ (Tito Sotto, Joey de Leon at Vic Sotto) dahil muling magkakasama-sama ang tatlo sa kanilang reunion flick na Iskul Bukol...20 Years After (The Adventures of Vic Ungasis) na muling ididirek ni Tony Y. Reyes sa bakuran ng OctoArts Films.
Matagal-tagal na ring panahong hindi nagkakasama-sama sa pelikula ang wacky trio.
Ang Iskul Bukol....20 Years After ay siyang official MMFF entry ng OctoArts Films at M-Zet TV Productions sa darating na Disyembre.
* * *
Kung pinagsasabong sina Richard Gutierrez at Dingdong Dantes kahit kapwa sila Kapuso stars, mukhang hindi ito maiiwasan sa mga susunod na mga araw nina Marian Rivera at Katrina Halili. Kung alagang-alaga ngayon ng GMA si Marian, magaganda rin ang mga projects na naka-line up ngayon para kay Katrina at isa na rito ang Gagambino na pagtatambalan nila ni Dennis Trillo.
Maganda rin ang feedback kay Katrina sa Magdusa Ka at ang four-part episode ng Obra kung saan si Katrina ang buena manong featured artist.
Nagsimula na rin si Katrina ng shooting ng One Night Only para sa OctoArts Films na pinamamahalaan ni Joey Javier Reyes.
Still on Katrina, gaano kaya katotoo ang balita na meron umano itong bagong inspirasyon ngayon na hindi taga-showbiz?
- Latest