Wrong timing ang problema ni Mrs. Rose Flaminiano sa plano nilang paglapit sa PAMI (Professional Artists Management Inc.) dahil wala sa bansa ang presidente ng organisasyon ng mga managers na nagha-handle ng malalaking artista - si Ms. June Torrejon. Matagal-tagal pa bago siya bumalik ng ‘Pinas.
May plano raw kasi sanang ilapit ni Mrs. Flaminiano ang problema nila ni Gabby Concepcion sa organisasyon at sinabi umano ito ng dating producer sa presscon after niyang sampahan ng demanda ang aktor sa Quezon City Regional Court.
Pero teka, hindi naman yata member ng PAMI si Mrs. Flaminiano kaya malamang na hindi rin mag-react ang organisasyon sakaling humingi siya ng tulong. Ang alam ko, ang mga alaga lang ng PAMI members ang puwede nilang suportahan. Besides, nabuo ang PAMI 14 years ago dahil kailangan noon ng tulong ni Tita Lolit Solis, isa sa mga miyembro dahil nga sa issue ng Manila Film Festival scam ni Gabby na walang kinalaman sa pera. Di ba rin nga, nag-declare na si Tita Lolit na hindi naging issue sa kanila ang pera noong panahon na hawak pa si Gabby kaya I doubt it kung papayag ang organisasyon na makisawsaw pa sa issue.
Anyway, nakikisimpatya ngayon kay Gabby ang ilang taga-showbiz. Feeling nila, bawal na pala ngayong magtanong ng tungkol sa kontrata dahil puwedeng ma-demanda. Sabi nga ng isang beterano na sa showbiz, wala naman sigurong masama kung malaman ni Gabby kung anuman ang nakasulat sa kanyang mga kontrata.
But anyway, malayo pa ang tatakbuhin ng kuwentong ito. Nakakalkal na rin ang issue tungkol kay Mrs. Flaminiano at Jinkee Pacquiao na nagkaroon din pala ng problema noon.
Meron ding ilang starlet at isang movie writer na gustong kausapin si Mrs. Flaminiano tungkol sa issue ng bahay nila na hindi raw naipasok sa Pag-ibig Funds.
Well, wait na lang tayo sa mas mainit na kuwento tungkol sa issue. Tutal wala namang malaking puwedeng pag-usapan sa showbiz.
* * *
Love na love talaga ni Tita Lolit S. si Sen. Manny Villar. Proud na proud siya sa balitang humataw ng 7 percent si Sen. Manny sa survey ng Pulse Asia Survey kamakailan. Bongga raw kasi sa naturang trust rating survey, umakyat sa 65% mula sa 58% ang nakuha ng kontrobersiyal na senador noong Hulyo.
Bongga nga naman dahil malaki ang puntos na itinaas niya.
Nanguna sa survey sa Sen. Chiz Escudero na may 75%.
Kasama si Sen. Loren Legarda na nakakuha ng 71 porsyento, bumaba ito mula sa dating 76 porsyento; ikatlo si Senator Manuel Roxas II na mayroong 69 porsyento mula 67 porsyento.
Humusto sa unang pito sina: Senator Panfilo Lacson na ikalima sa nakuhang 56 porsyento (mula 61 porsyento noong Marso); Vice President Noli de Castro sa ikaanim na puwesto matapos makakuha ng 53 porsyento (mula 49 porsyento); at Senator Jamby Madrigal na nakabilang sa survey sa unang pagkakataon na naging ikapito matapos makakuha ng trust rating na 44%. (SVA)