Isa kami sa natutuwa para sa ating mga artista na marunong mag-handle ng perang kanilang kinikita sa pamamagitan ng pagi-invest sa iba’t ibang negosyo.
To name a few, nariyan sina Aga Muhlach, Jolina Magdangal, Marvin Agustin, Diether Ocampo, Gladys Reyes at Ara Mina na matagal-tagal na ring nagninegosyo.
Isinarado na ni Ara ang kanyang Italian restaurant na Osteria sa may Tomas Morato, Quezon City pero nagtayo naman siya ng Café Mina sa may Riverbank sa Marikina.
Napuntahan na namin ang Café Mina at na-impress kami sa lugar at food.
In fairness, malakas ang bagong negosyo ni Ara at iniimbitahan na siya ng SM na maglagay ng branch.
Ang Café Mina ay bukod pa sa kanyang Posh Models na magi-expand na rin sa pago-organize ng events.
Napakasipag ni Ara. Kapag may oras din lamang siya ay tiyak na naroon siya sa Café Mina at siya mismo ang nagluluto at nagsi-serve sa mga customers.
Sa totoo lang, napakasuwerte ng mapapangasawa ni Ara dahil bukod sa ito’y masinop sa hanap-buhay, marunong pa itong magluto.
Bukod sa Ligaw na Bulaklak, si Ara ay in-demand din sa mga out-of-town shows at maging sa ibang bansa.
* * *
Kahit hiwalay na ang dating live-in partners na Mylene Dizon at Paolo Paraiso, nanatili ang kanilang pagiging close dahil sa kanilang anak.
Since wala naman silang bagong karelasyon, nangyari ang hindi inaasahang mangyari, muling nabuntis ni Paolo ang kanyang dating kasintahan at ngayon ay desidido ang model-actor na maging silang muli ng aktres at mauwi na sa kanilang pagpapakasal lalo’t magdadalawa na ang kanilang magiging anak.
Sa hinaba-haba ng prusisyon, mukhang sa simbahan din ang tuloy ng relasyong Mylene at Paolo at tiyak na matutuwa ang kanilang panganay na si Tomas.
* * *
E-mail: a_amoyo@pimsi.net