Suportado ko ang kampanya ni OMB Chairman Edu Manzano laban sa child pornography. Dapat masugpo ang mga pang-aabuso sa mga bagets na future leaders ng ating bayang magiliw.
Nakakakilabot ang video na ipinakita ni Edu tungkol sa mga bata na biktima ng pang-aabuso at kalaswaan.
Lalo akong kinilabutan nang makita ko na Lolita ang title ng isang malaswang video tungkol sa bata na biktima ng child rape.
Nakakalokang isipin na lantaran na ibinebenta sa mga bangketa ang mga mahahalay na video na lumalabag sa karapatan ng mga bagets na walang malay.
Kulang ang parusa na kulong sa mga mahuhuli ng nang-aabuso ng mga bata. Mga bata na inaabuso na nga, kinukunan pa ng video ang mga kalaswaan na ginagawa sa kanilang murang katawan.
Paulit-ulit na sinabi kahapon ni Edu na wala siyang plano na kumandidato sa 2010. Mas type ni Edu na mag-concentrate sa kanyang kampanya laban sa child pornography.
Kailangan si Edu ng mga bagets na biktima ng mga pang-aabuso. Inilista ko nga ang cellphone number ni Edu (09188883777) dahil talagang isusuplong ko ang mga tao na mababalitaan ko na nang-aabuso sa mga bagets.
Puwedeng i-text si Edu sa numero na binanggit ko. Makakaasa kayo na mabilis ang kanilang pagkilos para tulungan ang mga biktima at malutas ang kaso. Tiniyak ni Edu na araw-araw niyang babasahin ang mga text message na ipadadala sa kanya.
* * *
Hindi muna gagawa ng pelikula si Edu dahil nangako siya sa sarili na hindi tatanggap ng movie offers habang siya ang OMB Chairman.
Kung gagawa ng pelikula si Edu, mauubos lang ang kanyang oras sa shooting. Ibang-iba ang pelikula sa TV. Can afford si Edu na mag-taping para sa Game Ka Na Ba dahil wala itong conflict sa kanyang trabaho sa OMB. Hindi kagaya sa pelikula na inaabot ng maghapon at magdamag ang shooting.
* * *
Tinanong si Edu ng mga reporters tungkol sa isyu nila ni Wendy Valdez. Hindi ako nagkaroon ng interes na makinig sa explanation ni Edu dahil hindi ko kilala si Wendy.
Mahirap naman na makisawsaw ako sa isang isyu na hindi ko kilala ang involved. Hindi ko kilala si Wendy at mas naniniwala ako kay Edu, itsurang hindi ko alam ang puno’t dulo ng isyu na kinasasangkutan nila.
* * *
Nilinaw ni Edu na wala silang problema ni Sen. Bong Revilla. Sa madaling-salita, tapos na ang isyu na hindi sila friends ni Bong dahil nagkaroon sila noon ng misunderstanding.
Nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan sina Edu at Bong dahil sa trabaho. At least, tungkol pa rin sa paglilingkod sa bayan ang pinag-ugatan ng kanilang tampuhan. Hindi katulad ng ibang mga artista na personal ang away.
Uulitin ko ang sinabi ni Edu, wala silang problema ni Bong! ‘Yun lang!
* * *
Maaga akong umalis sa bahay kahapon dahil pumunta nga ako sa presscon ni Edu. Sinabi lang ng aking kasambahay na tumawag daw si Mommy Rose (Flaminiano) para sabihin na kahapon niya isasampa ang kanyang demanda laban kay Gabby Concepcion.
Hindi ko alam ang kumpletong detalye ng demanda ni Mommy Rose pero may kinalaman pa rin ito sa away nila ni Gabby.
Pinag-uusapan nga ng mga reporters sa presscon ni Edu ang pagsasampa ni Mommy Rose ng kaso sa korte ng Quezon City.
Clueless ang mga reporters sa kaso na isasampa ni Mommy Rose laban kay Gabby. Basta ang alam nila, ibang lawyer ang magtatanggol kay Mommy Rose. Hindi ang kanyang mister na si Atty. Ed Flaminiano.