Gabby hinahabol ng nakaraan
Hindi rin siguro naging maganda ang takbo ng pakikipagsapalaran ni Gabby Concepcion sa Amerika kaya ngayon ay kaliwa’t kanan ang mga tinatanggap naming emails mula sa ating mga kababayan dun na nagkukuwento tungkol sa kanyang buhay at karera sa San Francisco.
Sa tono ng pananalita ng ating mga kababayan ay hindi na bago para sa kanila ang biglaang pagrereklamo ni Gabby tungkol sa kanyang manager, usapin ng pananalapi ang iniangat na reklamo ni Gabby laban sa kanyang manager, ayon sa mga natatanggap naming komento ay noon pa raw nila inaasahan na ganito ang kauuwian ng kanilang samahan bilang manager-talent ni Mommy Rose Flaminiano.
“We saw it coming,” makahulugang pahayag ng isang kababayan nating nagkaroon ng pagkakataong makasama si Gabby sa California habang nagtatrabaho siya dun bilang isang real estate broker.
Hindi na raw bago para sa kanila ang kuwento ng kuwestiyunan tungkol sa pera, kapag si Gabby daw ang kasali sa kuwento ay parang pelikula yun na hindi mabubuo ang istorya kapag hindi lumutang ang usapin ng pera dahil talagang makuwestiyon si Gabby sa punto ng pananalapi.
Hindi na namin dedetalyehin ang kanilang mga kuwento, pero kapag nabasa raw ni Gabby ang aming kolum ay siguradong maaalala niya kung sinu-sino ang mga kababayan nating hindi niya nakasundo sa Amerika, na ang dahilan ay pera nga.
Palaging ganun ang ikot ng kuwento, puro pera, kaya ngayong nababasa na nila ang mga komento tungkol sa hidwaan nila ni Mommy Rose ay parang hindi na sila nagugulat pa.
Nakakatawa nga ang punchline ng isang nag-email sa amin, kumanta na lang ito, “Where do I begin….”
Sa aming pag-aanalisa ay maaaring meron ngang mga disgusto si Gabby sa kanyang manager, maaaring meron nga silang hindi pinagkakasunduan tungkol sa usapin ng pera, dahil pareho naman silang hindi perpekto.
Puwedeng balido ang mga iniaangat na reklamo ni Gabby, maaaring meron nga siyang nakitang butas na hindi agad naipaliwanag sa kanya ni Mommy Rose, sa madaling salita ay hindi masama ang magtanong.
* * *
Pero ang talo lang ni Gabby sa kuwento ay ang mga istorya ng kanyang nakaraan. Hindi nagsimula si Gabby na singlinis ng isang class A bond paper ang kanyang pangalan, maraming maaalala ang publiko tungkol sa kanyang nakaraan.
Totoo, walang anumang sinasabi nang hayagan ngayon si Sharon Cuneta, pero nung maghiwalay sila ay napakaraming nasulat tungkol sa usapin ng pera na ibinutas ng aktres kay Gabby.
Totoo rin, hindi pa nagsasalita ngayon si Manay Lolit Solis, pero kapag nagsimula na itong magbuka ng bibig tungkol sa pang-iiwan sa kanya ni Gabby nung kaitaasan ng kontrobersiya ng scam ay maraming magugulantang, dahil habang niyuyurakan ang kanyang pagkatao dito sa Pilipinas ay prenteng-prente nang naninirahan sa Amerika ang biglaang umalis na si Gabby.
Idagdag pa ang sariwang-sariwang kuwento tungkol sa pang-iiwan niya kay Jolina Magdangal, ang mga sinasabi ng mga kamag-anak ni Grace Ibuna, ang mga sinasabi ng kampo ni Jenny Syquia at marami pang iba.
Yun ang kuwento ng nakaraan ni Gabby na mahirap niyang mapaglalabanan, kumbaga ay hindi lang naman ngayon nangyari ito, sa mahabang panahon ng kanyang paglalakbay ay napakarami na niyang nakabangga sa usapin ng pananalapi at kinasangkutang isyu ng pang-iiwan sa gitna ng laban.
Dun lang sa aspetong yun dehado ngayon si Gabby, kung wala lang ang mga ganung kuwento ay mas magiging madali sana para sa kanya ang ipaintindi sa publiko ang kanyang mga hinaing laban sa kanyang manager.
Pero nagsasanga-sanga ang mga kuwento, kung merong mga naniniwala sa kanyang mga ipinaglalaban ay mas maraming nagbabalik sa kuwento ng kanyang nakaraan, ang iba naman nating mga kababayan na ayaw makialam ay nagkokomento na lang ng “They deserve each other.”
- Latest