Kasalukuyang isinusulong ni Buhay Partylist Rep. William Irwin Tieng sa Kongreso ang pagpapababa ng amusement tax na ipinapataw ng pamahalaan sa pamahalaang lokal.
“Naiintindihan ko ang problemang kinakaharap ng mga film producer. Lumaki ako sa industriya ng pelikula,” sabi ng mambabatas na pamangkin din ng beteranong producer, TV executive at boss ng Solar Entertainment na si Wilson Tieng.
Kaugnay nito, kasama nina Reps. Rene Velarde at Carissa Coscolluela, inihain ni Tieng ang House Bill 3505 na, rito, ibinababa sa 10 porsiyento mula sa kasalukuyang 30 porsiyento ang amusement tax sa mga sinehan.
Pinuna ni Tieng na lumulumpo sa industriya ng pelikula ang 30 percent tax. Kung maibababa anya ito, mahihikayat ang mga producer na gumawa ng mas maraming pelikula at magkakaroon ng trabaho ang marami pang artista at production people.
Nanawagan din si Tieng sa publiko na huwag tangkilikin ang mga pirated copies ng music CDs at film DVDs. Nasa kamay anya ng mamamayan ang pag-asa para masugpo ang piracy na pumapatay sa industriya. (LS)