Ang tunay na kulay, patungan mo man ng iba’t ibang kulay, ay lulutang at lulutang pa rin sa paglipas ng panahon. Pansamantala lang ang nakapaibabaw na kulay, kapag kumupas yun ay lilitaw ang orihinal na itsura, anumang palamuti lang ay hindi nagtatagal.
Parang sa tao rin, anuman ang gawin at sabihin natin para mailigaw ang publiko ay magiging pansamantala lang, sa bandang huli ay ang tunay na tayo pa rin ang maghahari at makikita ng bayan.
Maraming nanghihinayang sa isang personalidad na biglang nawala noon, sayang daw ang aktor, dahil kung kailan naman nasa kaitaasan ang kanyang career ay saka siya nagdesisyong umalis at talikuran ang kanyang career.
Hindi basta umalis lang ang aktor, meron siyang iniwasan, umilag siya sa isang matinding kontrobersiya at naiwan dito sa Pilipinas ang mga taong umaasang makakasama siya sa pagharap sa laban.
Ngayon ay parang sirang plakang lumulutang ang matinding kontrobersiya sa pagitan nila ng kanyang manager. Pera na naman ang isyu. Pera na naman ang kinukuwestiyon ng nasabing personalidad.
Para sa marami ay hindi na bago ang kuwentong ito, parang nauulit na lang, dahil ang ikot ng kuwento ng paghihiwalay nila noon ng kanyang dating manager ay sumesentro rin sa laglagan.
Sabi ng mga nakamasid lang sa nagaganap ngayon, “Bago? E, ganyan din ang ginawa niya noon sa manager niya, inilabas niya ang sarili niya sa usapin, naiwang nakatulala dito ang taong halos gumawa na sa kanya!”
Payo ng mga taga-showbiz sa kasalukuyang manager ng personalidad ay huwag masyadong intindihin ang nangyayari sa kanila ng kanyang alaga, pero kailangan pa rin nitong ilatag ang mga ebidensiya, para hindi na nagdududa sa kanya ang aktor.
Kung ano ang magaganap sa career ng aktor ay tanging sila lang ng kanyang manager ang nakakaalam.
* * *
Sino ba naman ang hindi nakakakilala kay Mang Pandoy, si G. Felipe Natanio, na ibinigay na halimbawa ng ‘mukha ng kahirapan’ ni dating Pangulong Fidel Ramos sa SONA nito.
Si Mang Pandoy ang kumakatawan noon sa maliliit nating kababayan na nangangarap din ng magandang buhay at kinabukasan, pero hindi kinakasihan ng kapalaran, kung paano silang ipinanganak ay ganun din silang namamaalam.
Namayapa na si Mang Pandoy, meron itong iniwang mga anak, pansamantala lang na sinentruhan ng gobyerno si Mang Pandoy pero pagkatapos nun ay parang balewala na ang lahat.
Sa unang gabi ng burol ni Mang Pandoy ay dumalaw para makiramay si Senador Mar Roxas, pangulo ng Liberal Party, at dun niya narinig ang mga hinaing ng mga naiwan ng lalaking kumatawan noon sa maliliit.
Ganun na lang ang pasasalamat ni Lenlen Natanio, kapatid ni Mang Pandoy, sa scholarship grant na ibinigay ng magiting na senador sa mga naiwang anak nito.
Para sa taong ito ay wala nang gagastusin ang dalawang anak ni Mang Pandoy sa kanilang pag-aaral, si Senador Mar Roxas na ang sumagot sa lahat-lahat, at kung magaganda ang grades ng magkapatid ay handa pa rin siyang tustusan ang pag-aaral ng mga ito.
Tama ang sinabi ni Senador Mar Roxas na ang isang kabang bigas at kaunting pera ay mahalaga rin sa maliliit nating kababayan, pero hanggang kailan nga naman tatagal yun, may pagkaubos ang ganung uri ng tulong.
Sabi ni Senador Mar, “Pinag-aaralan dapat ang tulong na maibibigay natin sa mga taong lugmok sa hirap. Ang dapat pagsikapan ng gobyerno ay ang mabigyan sila ng paraan ng pangkabuhayan, trabaho at edukasyon.
“Yun talaga ang trabaho ng gobyerno, ang maibigay sa maliliit nating kababayan ang mga tulong na mapakikinabangan nila nang matagalan at hindi panandalian lang,” komento ng senador.
Namayapa ang tinaguriang ‘mukha ng kahirapan’ sa kumplikasyon sa tuberculosis, ang tinaguriang sakit ng mahihirap, ang janitor na si Mang Pandoy na nakilala ng publiko nung SONA ni dating Pangulong Fidel Ramos ay namatay na mahirap pa rin.