Talagang maaasahan sa oras ng matinding pangangailangan si Andrea Bautista-Ynares at ang kanyang mister, si Rizal Governor Jun-Jun Ynares.
Ang mag-asawa ang tumulong kay Robert, ang service driver ng Startalk na sumakit nang husto ang tiyan at nagpunta sa isang ospital sa Morong, Rizal pero tinanggihan ng hospital staff.
Tinawagan ni Robert si Gorgy Rula sa telepono at sinabi ang naging trato sa kanya ng staff ng ospital. Ang ginawa ni Gorgy, humingi siya ng tulong kay Andeng.
Naloka ang staff ng ospital nang makatanggap sila ng tawag mula sa mismong Governor ng Rizal at sinabihan sila na asikasuhin ang pasyente.
Hindi doon natapos ang kuwento. Nagdesisyon si Governor Ynares na ipalipat si Robert sa Rizal Provincial Hospital para maasikaso siya nang husto at inako niya ang pagpapagamot sa driver ng Startalk.
Nakaka-touch ang pagtulong ng mag-asawa sa mga nangangailangan. Abut-abot ang pasasalamat ni Robert kina Andeng at Governor Ynares. Napatunayan niya na totoo pala ang mga kuwento na madaling lapitan ang mag-asawa.
Maraming beses ko nang nasubukan ang pagiging generous at matulungin nina Andeng at Jun-Jun. May your tribe increase!
* * *
Hindi ko masyadong type ang litrato ni Paolo Bediones na ginamit sa billboard ng Survivor Philippines.
Iba ang mukha ni Paolo. Parang inayos sa computer ang kanyang itsura. Ang billboard sa East Avenue ang tinutukoy ko dahil mas maganda ang litrato ni Paolo sa billboard ng Survivor Philippines na nakalagay sa building ng GMA Network Center.
Hindi pa nagpapakita sa TV si Paolo mula nang bumalik siya sa isang buwan na taping ng Survivor Philippines sa Thailand. Baka nagpapaputi pa si Paolo dahil lalong naging kayumanggi ang kanyang kulay sa sobrang pagkakabilad sa araw.
* * *
Kailangan yatang magpamisa uli ang mga taga-showbiz dahil marami sa mga entertainment personality ang nagkakasakit.
At hindi simpleng sakit ang nagiging karamdaman nila ‘huh! Walang mawawala kung magkakatipon-tipon ang showbiz people para sa misa ng pasasalamat at healing mass para sa mga may-sakit.
Usung-uso rin ngayon ang ubo at sipon dahil sa pabagu-bagong klima. Kailangang maging priority ng lahat ang kanilang kalusugan. Aanhin mo ang limpak-limpak na salapi kung may sakit ka naman?
* * *
Puwedeng makulong ang mga tao na mahuhuli na nagre-record ng mga pelikula sa loob ng sinehan sa pamamagitan ng kanilang mga cellphone camera.
Ito ang gustong iparating ni Congressman Irwin Tieng sa mga kababayan natin na dedma sa anti-piracy law.
Sakop na ng anti-piracy law ang mga cellphone camera, hindi lamang ang mga video camera.
Suportado ni Wilsong Tieng ang kampanya ng kanyang pamangkin na congressman laban sa mga film pirate.
Film produ rin si Papa Wilso0n at nabiktima na rin mga pirata ang kanyang mga pinrodyus na pelikula. Very close si Wilson sa kanyang pamangkin na hindi baguhan sa mundo ng showbiz dahil kasa-kasama siya noon ng tiyo niya sa mga awards night at ibang showbiz events.
Love na love ni Congressman Tieng ang entertainment industry dahil malaki ang naitulong nito para makatapos siya ng pag-aaral.