Matatandaang noong dekada ’80, sumikat ang pangalang Bobby Valle. Nadiskubre ni Sylvia La Torre, inirekomenda siya nito kay Tony Santos, Sr. at agad nitong nakita ang kanyang potensyal kaya isinama sa A Show with No Name.
Naging miyembro rin si Bobby ng sikat na bandang Ambivalent Crowd. Noong magdesisyon itong mag-solo, sinuportahan siya ni Danny Zubilo sa ilalim ng Valley Records at isinaplaka ang kanyang hit songs na Iniibig Kita at Sa Hirap at Ginhawa. Gumawa rin siya ng album sa Amerika na may pamagat na Give Me a Chance.
Noong kanyang kasikata’y nalibot ni Bobby ang pinakasikat na singing spots sa Maynila. Bumiyahe rin siya sa iba’t ibang panig ng daigdig.
Subalit noong 1995, nag-lie low si Bobby sa pagkanta matapos magpakasal kay Chieko Kimura. Sa halip, pumasok siya sa promotion business at naging matagumpay. Hanggang ngayon ay patuloy ang operasyon ng kanilang Doing Manpower na nagpapadala ng cultural performers sa ibayong dagat. Itinayo rin nilang mag-asawa ang Sining Makuhari, na sinasabing pinakamalaking ballroom dance floor sa Maynila. Ngayon ay may bagong proyekto na naman silang mag-asawa: Ang Heartful Philippine Institute, Inc. - isang Japanese language school na matatagpuan sa ikatlong palapag ng kanilang Kimura-Valle Building sa 1971 Leon Guinto St., Malate. Ang eskuwelaha’y para sa mga caregiver na nagbabalak magtrabaho sa ibang bansa lalo na sa Japan. Ang mother unit nito sa bansang Hapon ay ang Heartful Japan. Sa pakikipagtulungan sa Chairman nito na si Izumi Hayashi, ang mag-asawa ang nagdala nito sa Pilipinas.
Magbubukas ang Heartful Philippine Institute, Inc. ngayong araw. Sa mga interesado, maaaring tumawag sa telepono bilang 5221671 o 5360123. (AA)