Maganda yung birthday celebration concert kagabi sa Araneta Coliseum nina Dingdong Dantes at Marian Rivera.
Pinaghandaang mabuti kaya hindi mo sasabihing libre. Oo nga’t sa sayaw lamang nag-showdown ang dalawang major stars ng Dyesebel pero, ipinamalas nila na pagdating dito, they are a force to consider, talagang magaling silang dancers.
Talagang nakita at napatunayan ng mga nanood na seksi sina Marian at Dingdong, karapat-dapat sa mga titulong pinanghahawakan nila bilang sexiest man and woman, kundi man sa buong bansa, ay sa daigdig naman ng showbiz.
Ngayon, lalong na-inspire ang mga manonood na suportahan ang dalawa. Dahil binigyan sila nito ng isang magandang regalo, kahit pa ang dalawang artista ang may kaarawan.
* * *
Katapusan na pala bukas ng Magdusa Ka na kung saan hindi lamang si Katrina Halili ang binigyan ng tsansa na mai-prove na kaya niyang magbida. Kung kinamuhian siya ng mga TV viewers sa mga nakaraan niyang serye, sa Magdusa Ka, talagang naawa sila sa kanya at nagalit ng husto kina Gabby Eigenmann at Iwa Moto, na napatunayan din na magagaling silang artista.
Hindi na ako magtataka kung lumabas na magaling si Gabby, eh talaga naman kasing galing siya sa lahi ng magagaling na artista. Mas magugulat pa ako kung bano siya.
Si Iwa ang nakakagulat dahil maituturing pa rin na isang baguhan pero lumalaban na sa artehan. Hindi nakapagtataka kung bakit marami siyang projects.
Huwag n’yong palalampasin ang katapusan bukas. Baka kung kailan matatapos na eh saka n’yo pa kaliligtaang panoorin. Sayang dahil, muli, nakita ang kagalingan sa pag-arte ni Dennis Trillo, na huli kong nakita ang galing sa isang movie na kung saan nakipagtagisan siya ng acting kina Eddie Garcia at Christopher de Leon.
* * *
Bilib naman ako dun sa sinasabing sumulat sa internet, pointing a finger sa mga sinasabi niyang mga ‘namemerang’ entertainment journalists. Nag-name name pa siya ng mga entertainment writers na sinasabi niyang nakatira sa mga mamahaling condo at paiba-iba ng sasakyan. Mas bibilib sana ako sa kanya kung inilagay niya ang name niya. Tutal nagtapang-tapangan na rin siya, nagpapakontrobersyal, sana itinuluy-tuloy na lang niya. Para naman hindi ako maniwalang inggit lamang ang naging motibo niya.
Baka kung iniligay mo ang name mo ay sumikat ka pa, ikaw naman ang magka-condo, magkakotse at magkaroon ng malaking bank account.
Marami sa mga inilagay niyang name ay malalaking talent managers, aside from being movie writers. Natural lang na kung kumikita ng milyun-milyon ang mga alaga nila ay milyon din ang kita nila. Hindi ito pangingikil, percentage ang tawag dito. Marami rin ang mga matatagumpay na PR practitioners, humahawak ng malalaking movie and TV companies and artists pero parang wala akong narinig na pangalan na yumaman sa pagsusulat lamang.
Napakaliit ng mga writing fees, hindi makakabuhay ng pamilya, not unless na ikaw sina Max Soliven, Julie Yap Daza at iba pang maniningning na pangalan ng mga writers na hindi entertainment ang beat.
Hindi ko talaga malaman kung ano ang problema ng internet writer na iyon, ang nagtulak sa kanya para gumawa ng ganitong poison letter, kung hangad niyang makatulong, eh bakit natakot siyang maglagay ng pangalan?
Para naman nalaman kung may ‘K’ siyang magsulat ng kagaya ng ginawa niya.
Kung inggit naman ang nagtulak sa kanya, aba eh, baka naman mahina lamang ang diskarte mo. At hindi ka naman talaga manunulat, lalo na kung ang alam mo lamang isulat ay yung tulad ng ipinalabas mo sa internet.