Isang napakailap na pangarap lang noon para sa amin ang mapasok ang bakuran ng tinatawag na Bahay Na Puti sa pusod ng Cubao. Ilang panahon kaming nagtrabaho sa mismong tapat lang ng nasabing mansiyon, puro malalaking puno lang ang nakikita namin sa labas, bahagi ng pang-araw-araw naming buhay noon ang tanong kung ano ba ang itsura nito sa loob at sino ang pamilyang naninirahan dun.
Kapag nagbubukas ang gate ng mansiyon ay sumisilip kami sa bintana ng aming opisina, magagarang sasakyan ang labas-masok dun, hanggang sa malaman namin na ang mga nakatira pala sa mansiyon ay mga Roxas-Araneta.
Sila pala ang may-ari ng Araneta Coliseum, kanila pala ang malalawak na lupain sa Cubao, ganun pala kayaman ang pamilyang naninirahan sa Bahay Na Puti na hanggang nung lumipat na kami ng pinagtatrabahuhan ay hindi pa rin namin nakita kung ano ang nasa loob nito.
Dekada otsenta pa yun, pero ngayong 2008 lang natupad ang aming pangarap na makita nang literal kung ano ba ang itsura ng pamosong Bahay Na Puti, hindi lang namin nasilip ang mansiyon kundi napagmasdan pa nang malapitan.
Maraming salamat kay Senador Mar Roxas, ang residente ng mansiyon, hindi namin malilimutan ang isang gabi ng pakikipagkuwentuhan sa senador na nung 2004 nang kumandidatong mambabatas ay nakakuha nang mahigit na dalawampung milyong boto na pinakamataas na sa sinumang kumandidatong opisyal ng gobyerno sa kasaysayan ng pulitika sa ating bansa.
Si Senador Mar Roxas ay apo ni President Manuel Roxas, ang unang pangulo ng Third Philippine Republic, at anak naman ni dating Senador Gerardo “Gerry” Roxas at ni Ms. Judy Araneta-Roxas.
Pero sa kabila ng magandang ugat na pinaghanguan ng kung sino siya at sa kabila ng karangyaan nila sa buhay ay nanatiling simple at hindi apektado ang isang Mar Roxas.
Angkop na angkop sa kanya ang taguring ‘Mr. Palengke,’ sensitibo siya sa kundisyon ng buhay ng ating mga kababayan, ngayon pa lang bilang senador ay napatutunayan na natin kung gaano siya kahusay na halal ng bayan sa mga proyektong pinakikinabangan ng sambayanang Pinoy.
* * *
Kaswal na kaswal lang si Senador Mar nung makakuwentuhan siya ng mga manunulat ng lokal na aliwan, nandun din si Korina Sanchez, ang kanyang matagal nang karelasyon na hindi sumali sa interbyuhan dahil bawal.
Sa kabila ng napakaabala nilang iskedyul bilang senador at anchorwoman ay hindi pa rin nila napababayaan ang kanilang emosyon, kailan lang nung magdesisyon si Korina na magpunta sa Mindanao para personal na kumuha ng balita tungkol sa nagaganap na kaguluhan dun ay napakadalas nilang mag-usap sa telepono, meron pang nakakakilig na mensaheng ipinadala ang binatang senador sa kanyang kasintahan.
“Ang sabi ko sa kanya, makipagpalit siya ng kuwarto sa PA niya, mahirap na, nag-aalala ako sa kalagayan niya dun. Hindi siya nagpaalam sa akin, alam niyang kokontra ako, pero bilang mamamahayag, tumuloy siya.
“Paalala ako nang paalala sa kanya, ‘Magpalit kayo ng room ng kasama mo, para kapag may lumusob diyan, malaman nila na hindi pala ikaw ang nandun!’
“May time pa rin naman kami para sa aming dalawa, kahit pakonti-konti lang, kahit fifteen minutes lang, dahil pareho nga kaming busy sa mga trabaho namin.
“Marami kaming pinagkakasunduan, pero meron din kaming pagkakaiba, organisado ako, kapag bibiyahe kami, ilang oras pa ang kailangan, pero gusto kong nasa airport na ako.
“Pero iba si Korina, masyado siyang tiwala sa sarili niya, lagi siyang naghahabol sa oras, palagi siyang nagagahol, yun ang ipinagkaiba naming dalawa,” natatawang kuwento ng senador.
Pagkain ang una niyang malasakit para sa ating mga kababayan, sa sobrang kahirapan ng buhay ngayon ay meron silang nabuong menu ng kanyang pinsang si Margarita Forres, sa halagang P150 lang ay magkakasya na yun sa isang pamilyang may anim na miyembro.
May pangalawa-pangatlong sultada pa ang kuwentong ito, hindi maikakarga ng isang kolum lang ang mga interesanteng kuwento ng buhay ni Senador Mar Roxas, ang ‘Mr. Palengke’ ng bayan ni Juan.