Nung Huwebes nang hapon ay naging studio guests namin sa Showbiz Mismo ang matagumpay na coach ng champion team sa PBA, ang Barangay Ginebra, na si Coach Jong Uichico.
Kasunod niyang dumating si Johnny Abarrientos, isa sa pinakamagaling na point guard sa kasaysayan ng Philippine basketball, huli namang dumating ang kahati ni Eric Menk sa MVP finals na si Ronald Tubid.
Maagang dumating si Coach Jong, kaya nung isalang namin para sa isang phone patch interview ang The Living Legend na si dating Senador Robert Jaworski ay narinig niya kung paano pinahahalagahan ng magaling na basketbolista at coach ang kanilang tagumpay sa conference na ito, team work ang nakitang dahilan ni Senator Jaworski kaya nasungkit nila ang kampeonato.
“Kahit naman saang larangan, kahit sa opisina, sa bahay at kahit saan pa, ang pagtutulung-tulong ng mga miyembro ang susi sa tagumpay. Hindi puwedeng walang team work, hindi puwedeng pairalin ang pagpapa-star, yung puro pangsariling interes lang ang ating gagawin.
“We are working and playing for a team. Ang tagumpay ng isa, tagumpay ng lahat. Team work talaga ang pinakamabisang aksiyon na dapat gawin ng lahat ng players para makuha nila ang pinapangarap nilang tropeo,” magandang paliwanag ng The Living Legend.
Sinang-ayunan ni Coach Jong ang punto ni Senator Jaworski, yun talaga ang itinatanim niya sa utak ng kanyang mga manlalaro, kailangang kumilos sila nang isahan para makuha nila ang championship.
Nung tanungin namin si Coach Jong kung sinu-sinong players ng ibang koponan ang pinababantayan niya nang husto kapag may laban ang Ginebra ay nabanggit niya ang pangalan ni James Yap.
Totoo namang magaling maglaro ang asawa ni Kris Aquino, kapag ganado si James at kakampi nito ang panahon ay wala itong kapos at sobrang lakas na tira, lagi itong nakapagbubuslo ng bola.
Marami namang nagtataka kung bakit hindi na naglalaro si Johnny Abarrientos samantalang marami pang pakakainin ng alikabok ang bilis at galing nito sa pagdadala ng bola at pagsu-shoot, ayon sa tinaguriang The Flying A ay pinatutukan na lang sa kanya ni Coach Jong sina Pacana, Valenzuela, Artadi at Caguioa na maliliksi ring tulad nito, nasa coaching staff ng Ginebra ngayon ang dating magaling na pambato ng Alaska.
Ayon naman kay Ronald Tubid ay kabisadong-kabisado na nito ang galaw ng mga players ng Air21 na kanyang pinanggalingan, malaking bentahe sa kanya yun, dahil kahit daw nakapikit si Ronald ay kabisado na nito ang kilos ng kanyang mga dating kasamahan sa team.
* * *
Ayon kay Senator Robert Jaworski ay magagaling ang mga manlalaro ng Barangay Ginebra, pero binigyan niya ng puntos ang matinding suportang moral na ibinibigay ng mga Ginebra fans, kapag nagsabay-sabay na kasi ang sigaw ng buong tropa, kahit kinakabog na dibdib ng player ay parang sinasaksakan ng suwero, lumalakas ang loob nito sa laban.
Mahirap kalaban ang Ginebra, aminado naman ang lahat ng koponan sa PBA na kapag Ginebra ang lumalaro sa championship ay nakakaawa ang kanilang kalaban, nagsasama-sama sa pagsigaw ang mga ito para maipanalo ang laban ng paborito nilang koponan.
“Gusto naming pasalamatan ang mga Ginebra fans na kahit ano ang ginagawa, kahit nakatira pa sila sa malalayong lugar, nagkikita-kita sila kapag may laban kami.
“Napakalaking tulong ang ibinibigay nila sa amin, sila ang nagiging inspirasyon ng mga players bukod sa kanilang mga pamilya, sila ang bumubuhay sa dibdib ng mga players,” pahabol na pasasalamat ni Coach Jong.
Sabi naman ni Ronald Tubid, “Nung nasa Air21 pa ako, kalaban ang turing nila sa akin, sinisigawan din nila ako, pero ngayon, kakampi na ako ng mga Ginebra fans dahil isa na ako sa kanila.”
Mula noon hanggang ngayon ay hindi naman nagbabago ang ugali ni Johnny Abarrientos, ilang libong puntos na ang naitatala nito sa PBA sa loob nang maraming taon na ng kanyang paglalaro, pero kahit kaunting yabang ay hindi mo mararamdaman sa kanya.