Nakita ng isa kong friend ang aktres na may hawak na yosi at medyo tipsy sa isang sosyal na bar sa The Fort.
Ok lang naman sana, kaya lang daw ang siste, kilalang may hika ang nasabing aktres at siguradong makakasama sa kalusugan niya ang pagyoyosi at pag-inom kahit social drinking lang.
Alam ng lahat na may hika siya at siya mismo ang nagkukuwento ng kanyang sakit simula pa noong bata siya.
Smoking area din daw ang lugar na kinakitaan niya sa aktres ayon sa friend kong bading kaya masama raw talaga sa aktres ang kapaligiran.
At ang pinaka-highlight ng kuwento ng bading, may ka-date ang nasabing aktres.
Kung sabagay walang masama dahil single siya ngayon at may puso naman siyang may karapatang umibig after niyang makipag-split sa boyfriend niyang aktor.
* * *
May panawagan ang aming ka-opisinang si Beth Meraña, sports editor ng Pang Masa (PM), sister publication ng PSNGAYON:
“Magaganda sana ang mga drama series na ipinalalabas sa Q11. Pagdating ng alas-11 ng tanghali ay nakatutok na kami sa mga programa nila. Kaya lang may hindi magandang nangyari. Wala man lang silang abiso, bigla na lang nilang hindi iniere ang Unforgettable Affection na matagal na naming sinusubaybayan. Nitong Biyernes ang huling telecast nila ay nag-uusap sina Suzie at Dante sa restaurant, pero nitong Lunes ay bigla na lang nawala sa ere at pinalitan ng My Fair Princess.
“Ano ba yan, matapos ang halos kulang-kulang dalawang buwan yata yun na pagsubaybay namin sa palabas ay hindi namin mapapanood ang ending, nasa kainitan na sana ang mga eksena.
“Pakiusap lang namin sa management ng Q11 o GMA 7, tapusin naman nila. Wag putulin ng walang abiso.
“Akala ko inilipat lang ng time slot, inabangan namin ‘yun nung Martes pero wala talaga.
“Parati nilang ginagawa ang ganyan, di lang isang programa ang napanood ko na inaabangan sa channel na ito, pero pinuputol nila bago matapos.”
Well, kung ganito nga, may dapat ipaliwanag ang Q11.