Marami ang stranded dahil sa malakas na buhos ng ulan noong Huwebes ng gabi. Naawa ako sa mga tao na nadaanan ko habang papauwi ako mula sa presscon ng Lipgloss.
Ang Lipgloss ang pam-bagets na show ng TV 5 at mapapanood ito tuwing Sabado ng hapon.
Hindi rival show ng Startalk ang Lipgloss kaya puwede akong magsulat tungkol sa youth-oriented show ng TV 5.
Mga sosyal na bagets ang mga bida sa Lipgloss. Mga bagets na magaganda, guwapo at nag-aaral sa mga sosyal na school.
Ka-join sa cast ng Lipgloss ang anak ni Francis Magalona. Missing in action ang bagets. Hindi siya umapir sa presscon. May nagsabi na nasa school pa siya pero puwedeng hindi nagpunta sa presscon ang bagets para makaiwas sa mga reporter na siguradong magtatanong tungkol sa sakit ni Francis.
Mabilis na kumalat ang balita noong Huwebes na may leukemia si Francis at naka-confine siya sa ICU ng Medical City Hospital.
Walang dapat ipag-alala ang fans ni Francis dahil sinabi ng mga doktor na malaki ang pag-asa na gumaling ang kanyang karamdaman.
Nag-umpisa sa lagnat tuwing hapon ang sakit ni Francis at nangyari ito nang magpunta sa Las Vegas ang cast ng Eat Bulaga.
Naalaala ko tuloy si Rudy Fernandez. Nilalagnat si Daboy tuwing hapon noong 2006 at nang manggaling siya sa Las Vegas, saka siya nagpa-check up at dito niya nalaman ang kanyang sakit na periampullary cancer.
Wala akong ibig sabihin ‘ha? Nalungkot lang ako nang malaman ko ang sakit ni Francis na ilang beses ko nang nakasama sa abroad kaya masasabi ko na napakabait niya.
* * *
Dahil leukemia ang sakit ni Francis, may-I-remember ko rin si Roxanne Abad- Santos, ang aktres na naging leading lady ni Gabby Concepcion sa pelikulang Miracle of Love.
Nag-shooting sa Europe sina Gabby at Roxanne. Kasama ako sa biyahe kaya dito ko nakilala nang husto si Roxanne.
Inaaway-away ko siya noon dahil ang tagal-tagal niya sa loob ng banyo. Na-guilty-guilty nga ako nang malaman ko ang dahilan ng matagal na paggamit ni Roxanne sa banyo.
Nililinis pala niya ang banyo dahil sa kanyang buhok na nalalagas. Nagdurugo rin ang kanyang mga gilagid dahil pa rin sa leukemia.
Marami ang hindi na nakakakilala kay Roxanne pero may nagsabi sa akin na mapapanood sa Youtube ang eksena nila ni Gabby sa Miracle of Love.
* * *
Teka, mabalik tayo sa Lipgloss, hindi ako magugulat kung sumikat ang Lipgloss stars dahil mga cute at matatalino sila.
Nagkaroon daw ng audition, sumali ang mga bagets at pinalad na mapili. Sosyal ang mga bagets dahil mga Inglisero at Inglisera sila pero hindi intimidating.
Mga estudyante pa ang mga bida ng Lipgloss kaya inayos na mabuti ang kanilang taping schedules para walang conflict sa pag-aaral nila.
Bukas na huhusgahan ang Lipgloss. Excited na ang mga bagets na malaman ang mga feedback sa kanilang bagong show na mala-Gossip Girl ang mga drama at kuwento.