Ivy Violan at Katrina Halili naging magkamukha dahil sa retoke sa mukha!?

August 15 ngayon, kaarawan ng mahal naming anak-anakang si Cogie Domingo. Masaya kami dahil isang taon na naman ang madadagdag sa kanyang buhay, pero nalulungkot kami, dahil matagal-tagal na panahon na rin siyang nababakante sa pagtatrabaho.

Maraming nagtatanong sa amin kung nasaan na si Cogie, ang standard naming sagot ay nandito lang siya sa Pilipinas, pero totoong pabalik-balik siya dito at sa Amerika kung saan may negosyo ang kanyang pamilya.

Maraming nanghihinayang sa talentong meron si Cogie, ang kanyang itsura ay hindi na pagtatalunan pa, dahil isa pa rin siya sa pinakaguwapong batang aktor natin ngayon.

Kung minsan talaga ay kailangan muna nating makakita ng hirap para mala­man natin ang kahalagahan ng isang bagay at ng isang nagbukas na oportunidad. Ang mga artistang may kuwento ng kahirapan ang buhay ay masisikap, gusto kasi nilang makalundag palayo sa kanilang pinagmulang buhay, ang mga artistang ganun ay propesyonal at masisikap talaga.

Sana’y nagutom din si Cogie Domingo kahit minsan lang, sana’y nahirapan din siyang mabili ang isang bagay na gustong-gusto niya, para alam niya ang kahalagahan ng pera.

Sana’y hindi siya lumaki sa karangyaan, o kung sa ganung klase ng buhay man siya namulat, sana’y kinambalan niya ng pangangarap ang kaginhawahang kinalakhan niya.

Para na nga kaming sirang plaka sa kasasabi kay Cogie na kung dumaan lang siya sa panahon ng taghirap, siguro’y pahahalagahan na niya ang mga pagkakataong dumarating sa kanya, napakasuwerte nga niya dahil halos nasa kanya na ang lahat ng mga katangiang kailangang meron ang isang artista.

Guwapo, magaling umarte, magandang pangangatawan. Ano pa ba naman ang hahanapin sa kanya?

Kung maraming nanghihinayang sa napasimulan ni Cogie Domingo, sana’y dumating din ang punto ng panghihinayang sa kanyang buhay, sana’y mauntog na siya sa katotohanan na hindi lahat ng nangangarap sumikat ay nginingitian ng kapalaran.

Napakabait pa naman ng binatang ito. Marunong siyang manghingi ng sorry kung kailangan, hindi mo siya kailanman masisilipan ng kayabangan, marunong siyang makisama sa lahat ng uri ng tao.

Kung meron kaming kakayahang magregalo ng isang bagay na kukumpleto sa buhay ng tao ay pipiliin naming regaluhan si Cogito ng propesyonalismo, yun ang alam naming kailangang-kailangan niya para magseryoso na siya sa kanyang career, dahil hinayang na hinayang talaga kami sa mga panahong lumilipas na wala siya sa gitna ng labanan.

Maligayang kaarawan sa iyo, Cogito!

* * *

May punto ang obserbasyon ng isa naming kaibigan. Nung minsang maging judge sa Pinoy Dream Academy si Ivy Violan, takang-taka ang aming kausap, lumipat na raw pala sa Kapamilya network si Katrina Halili?

“Sa biglang tingin, talagang magkamukha sila. Mabuti na lang at binanggit ni Toni Gonzaga na si Ivy Violan pala ang judge, dahil kung hindi, iisipin kong kumabilang bakod na rin si Katrina Halili.

“Pagmasdan n’yo silang mabuti, magkamukha talaga sila. Pati ang pagka­retoke ng ilang parts ng mukha nila, plakadong-plakado!” kuwento pa ng aming kaibigan.

May katotohanan ang sinabi ng aming kausap, batang version nga ni Ivy si Katrina, magkahawig na magkahawig sila.

Ang kulang lang kay Ivy Violan ay ang pagpapatulis ng nguso, yun kasi ang minaster ng husto ni Katrina, ang pagpapatulis ng nguso na dati’y si Glydel Mercado lang ang binabagayan sa mga pictorial nito.

Nung minsan namang kumanta sa isang show si Ivy ay may nagulat din ang manonood, magaling daw palang kumanta si Katrina Halili, hindi raw naman pala puro pagpapa-sexy lang ang kanyang alam gawin?

Oo nga naman.

Show comments