Mukhang mas bata ngayon si Lani Misalucha. As in sa unang tingin, hindi mo siya makikilala. Parang may nabagong-wala sa face niya.
Nasa bansa ngayon si Lani para sa launching ng kanyang bagong album under Universal Records, Reminisce. Tapos na kasi pala ang kontrata nila ng Society of Seven sa Flamingo kaya nakapag-concert tour na sila sa Amerika. Pero inaayos na raw ang panibago nilang kontrata sa ibang Casino sa Las Vegas.
Yun lang naman ang pinagkakaabalahan niya dahil wala pa siyang recording deal sa Amerika. Actually, nakakagulat na ang dami-daming magagandang reviews sa kanyang performances sa Vegas pero hindi pa siya recording artist ng kahit anong international label doon. Pero hindi na raw siya masyadong nagi-expect dahil feeling niya, kung talagang darating yun, darating na lang. “Ayoko talagang mag-expect,” sabi ni Lani nang maka-tsika namin sa kanyang album launching.
“Hindi naman ako yung tipo na nadi-disappoint pag walang nangyari. Kung walang mangyari, siguro may ibang bagay na mangyayari.”
Actually, tanggap niyang naunahan pa siya ni Charice at Arnell Pineda na mga sumikat dahil sa You Tube.
Comfortable na raw ang buhay ng pamilya niya sa Amerika kaya mas gusto nila doon tumira kahit anong mangyari sa career niya.
Nagpa-plano pa rin naman daw ang pamilya niyang bumalik ng bansa, ‘yun nga lang ang tanong ay kung kailan.
* * *
Showing na today ang higanteng pelikula nina Dolphy at Vic Sotto. Kaaliw ang pelikula. Wala talagang tatalbog kay Dolphy pagdating sa pagpapatawa. Talbog ang mga aspiring comedian at mga naghahangad na palitan siya sa trono though magaling din talagang komedyante si Vic na aminadong hindi niya kayang habulin ang pagiging henyo sa pagpapatawa ni Dolphy dahil kung sinuman ang hahabol ay marami pang kakaining bigas. Ang siste, may rice shortage kaya paano raw siya makakahabol.
Graded B ng Cinema Evaluation Board ang pelikula na palabas sa mga sinehan simula ngayong araw.