Charlie umayon sa panahon!

Maaga kaming umuwi nung Biyernes nang gabi, kailangan naming upuan nina BM at Japs Gersin ang mga huling malalaki at maliliit na detalye para sa concert ni Charlie Green ngayong gabi sa Laffline Comedy Bar, napakagaan dalhin ng batang singer na ito dahil lahat ay umaayon sa panahon at tamang pagkakataon.

Ikinuwento sa amin ng panganay naming anak na napakarami pang nagtatawagan sa Metro Bar, ganun din sa Punchline at Laffline, marami pang bumibili ng tickets para sa show ni Charlie pero wala na silang maibigay.

Nakuha rin namin si Richard Poon, ang magaling na balladeer na tulad ni Charlie ay may malaking impluwensiya rin nina Frank Sinatra, Matt Monroe at Michael Buble sa kanyang mga piyesa, panoorin natin ngayong gabi sa Laffline Comedy Bar kung paano nila magkasamang aatakihin ang piyesang Fly Me To The Moon.

Habang nag-uusap-usap kami nina BM at Japs ay pinanood namin ang mga performance ni Charlie Green sa Britain’s Got Talent, sampung taon lang siya nang sumali sa kumpetisyon, pero pinahanga na niya ang tatlong jurors kasama na ang ‘killer juror’ na si Simon Cowell.

Ipinakita sa You Tube ang batam-batang si Charlie nung mag-audition siya, punum-puno ng kumpiyansa ang half-British half-Filipinong bagets, Summerwind ang unang piyesang kinanta niya.

Nakapasok siya sa semi-finals, pero nabigo siyang maging finalist, ayon sa mga hurado ay hindi bumagay sa kanya ang piyesang ipinanlaban niya na isang original composition ng kaibigan ng kanyang ama.

Pero nagbigay ng pagtutol ang audience, binigyan pa nga nila ng standing ovation si Charlie Green, kaya lang ay walang nagawa ang mga ito nang husgahan na ng tatlong jurors ang napakaguwapong bagets.

Kaswal niyang tinanggap ang paghusga, para kay Charlie at sa kanyang mga magulang ay sapat nang naipakita niya ang kanyang talento sa pagkanta at pagsayaw, hindi pa naman katapusan ng mundo para sa kanya.

Nung kantahin nga niya ang Summerwind ay napatulala sa kanya si Simon Cowell, bibihira nga namang kantahin ng isang batang singer ang standard song na pinasikat ni Frank Sinatra, puro papuri ang inani ni Charlie.

Ngayong gabi ay mapapanood na natin sa Laffline Comedy Bar ang totoy na totoy na batang produkto ng Britain’s Got Talent, harap-harapan na niyang iparirinig sa atin ang mga piyesang minahal sa kanya ng ating mga kababayan, alas nuwebe nang gabi magsisimula ang show ni Charlie Green sa kagandahang loob ng Bodega Ng Bayan ni Enrico Roque.

* * *

Napanood din namin nang buong-buo ang guesting ni Charice Pempengco sa show ng TV host na gustong makita-makasama ng lahat ng mga personalidad na si Oprah Winfrey.

Nasa tamang kundisyon si Charice nang kantahin ang I Have Nothing ni Whitney Houston, damang-dama niya ang kanta, kaya napapailing na lang ang pinakasikat at pinakamayamang TV host sa buong mundo habang pinanonood siya.

Napaluha si Charice nang yakapin siya nang mahigpit ni Oprah, ang kanyang sabi, “I can’t believe that I’m beside you right now, this is just a dream!”

Ayon naman kay Oprah ay walang anumang sinabi sa kanya si David Foster nung irekomenda nito sa kanya ang batang singer, pero ang galing-galing pala niyang kumanta, napakasuwerte ni Charice dahil nakayakap na niya ang sikat na TV host na pinapangarap na makita nang personal ng mga artista sa buong mundo.

Buong-buo na ang kumpiyansa ni Charice, nakaguhit ang tiwala niya sa kanyang talento sa kabuuan ng kanyang performance, napakalayo pa ng mararating ng batang ito.

Pagkatapos niyang kumanta ay binigyan siya ng standing ovation ng studio audience, hinangaan ng mga banyaga ang boses ng batambata pang singer, kaya bigla naming naisip ang kanyang ina at lola na hanggang ngayo’y nagbabangayan pa tungkol sa usapin ng kung sino ba ang totoong nagsakripisyong sumama-sama kay Charice nung sumasali pa lang siya sa mga amateur contest.

Hindi na napapanahon ang mga ganung away, matuwa na lang sana sila sa tagumpay na tinatamasa ng dalagita, bigyan na sana nila ng katahimikan ng kalooban si Charice Pempengco na ang tanging kasalanan lang naman ay ang mangarap siyang magtagumpay at makilala.

Show comments