Mother Lily naniniwala sa suwerte ng 8-8-8

Masaya ang binyagan na pinuntahan ko kahapon sa simbahan ng Parish of Heart and Jesus na nasa likod lang ng bahay ni Mama Cory Aquino sa Times Street, West Triangle, Quezon City.

Ako ang pinakamaagang dumating sa simbahan kaya nakapanood pa ako sa kasal ng magdyowa na hindi ko naman kilala. Dedma ako kahit nagmukha ako na gate-crasher dahil type na type ko na manood ng mga church wedding.

Nakasama ko sa binyag sina Dolor Guevarra at ang kanyang mister na si Boots Plata, si Elvie Gonzales na nag-proxy sa  kanyang anak na si Charlene Gonzales, si Mama Ethel Ramos, Mother Lily Monteverde, Mayor Toby Tiangco at si Edu Manzano.

Happy naman ang pari na nagbinyag sa bagets dahil nakita niya kung gaano kasaya sa isang okasyon ang mga taga-showbiz.

Saan ba kayo nakakita ng binyag na biglang nag-ring ang telepono ni Mother Lily? Siyempre,  sinagot ni Mother ang kanyang caller at pagkatapos ng kanilang mahabang pag-uusap, saka siya nag-dialogue ng “O sige na, nasa binyag  ako. Nagmimisa si Father!”

Totoo pala ang tsismis na marami ang nagpabin­yag at nagpakasal kahapon dahil type nila ang date na August 8, 2008. Sunud-sunod ang mga ikinasal at bininyagan kahapon sa simbahan na pinuntahan ko.

* * *

Kung masaya ang binyag sa simbahan, mas masa­ya ang reception sa isang restaurant sa Quezon City.

Talagang nanguna ako sa pagkain, kesehodang wala pa ang ibang mga bisita dahil hindi ako nag-amusal kaya inabot ako ng gutom.

Bongga ang mga handa, may vegetable kare-kare, pansit sotanghon, chicken barbeque at kung anik-anik pa.

Kumakain na ako nang biglang dumating ang ibang mga bisita, sina Shirley Kuan, Jo-ann Maglipon, Girlie Rodis, Andeng Ynares, Mons Tantoco at marami pang iba.

Ang table namin ni Dolor Guevarra ang pinaka­masaya dahil  kuwentuhan to-the max ang aming ginawa.

‘Yun nga lang, mga off-the record ang karamihan sa aming topic kaya hindi ko puwedeng i-share sa dear readers ng PSN.

Napag-usapan din ang concert kagabi ni Sharon Cuneta sa Araneta Coliseum. Ubos na ubos na ang compli tickets at sold-out na ang tickets kaya walang naharbat ang mga gustong manood ng show.

Hati ang lakad kagabi ng mga reporter. May mga nanood ng concert ni Sharon at ‘yung iba naman eh nagpunta sa bonggang anniversary party ng Belo Medical Group.

Hinayang na hinayang si Shirley Kuan dahil priority niya ang pag-apir sa concert ni Sharon, Hindi niya tuloy napanood ang burlesque show ni Dita Von Teese na sikat na sikat daw sa  buong mundo pero  kung talagang famous siya, bakit hindi ko siya kilala?

* * *

Kahapon din ang presscon ng Loving You at ito ang pinuntahan ko sa Imperial Palace Hotel.

Takang-taka ako dahil marami sa mga reporter na nakita ko sa binyagan ang hindi nakakaalam tungkol sa presscon ng coming soon movie ng Regal Films.

Sina Yasmien Kurdi at JC de Vera ang mga bida sa Loving You at starring din dito ang real-life lovers na sina Jean Garcia at Polo Ravales.

Hindi ko lang alam kung tuloy pa rin ang relasyon nina Jean at Polo na never umamin na nagkakamabutihan sila dahil what you see is what you get ang kanilang drama.

I’m sure, itinaon ni Mother Lily sa August 8 ang presscon ng Loving You dahil tulad ng ibang Filipino-Chinese, naniniwala rin siya na may suwerteng dala ang 8-8-8 na petsa.

 

 

Show comments