Iba talaga ang karisma nina Mang Dolphy at Vic Sotto. Nang magkaroon ng presscon ang Dobol Trobol noong Martes ng gabi, maagang dumating ang dalawa sa Imperial Palace Hotel para sa interbyu sa kanila ng mga TV crew.
Sila na ang pinakamaagang dumating, sina Vic at Mang Dolphy pa ang huling umalis sa presscon dahil talagang nakipag-tsikahan portion sila sa mga reporter.
Eh 80 years old na si Mang Dolphy. Hindi na niya feel ang magpuyat. Katulad ko siya na maagang natutulog pero imbes na umuwi nang maaga, nag-stay sa presscon si Mang Dolphy.
Touched na touched nga ang mga reporter dahil sinagot lahat ni Mang Dolphy ang kanilang mga tanong, pati na ang pinaka-personal.
“ Hindi na masyado” ang sey ni Mang Dolphy nang usisain ng mga reporter ang kanyang sexlife.
Kung ibang artista ang tinanong nang ganoon, baka napikon sila. Pero iba nga si Mang Dolphy.
Propesyonal siya at mahusay makisama kaya umabot sa 60 years ang pamamayagpag niya sa showbiz. Walang komedyante na makakapantay sa tibay at tatag ni Mang Dolphy.
* * *
Walang tumututol na gawin na National Artist si Mang Dolphy. Lahat ng mga nakakausap ko eh boto na maging National Artist na ang Comedy King.
Noon pa kumilos si Senate President Manny Villar para maging National Artist si Mang Dolphy pero mabagal magdesisyon ang mga kinauukulan.
Mas lalong naging makabuluhan ang 80th birthday ni Mang Dolphy kung isinabay rito ang paggagawad sa kanya ng National Artist Award. Hindi pa naman huli ang lahat. Puwede pa na parangalan si Mang Dolphy hanggang sa December 2008 para swak na swak pa rin ito sa kanyang 80th birthday celebration.
* * *
Tuwang-tuwa si Carmi Martin dahil muli silang nagkasama ng kanyang mentor-discoverer.
Si Mang Dolphy ang naka-discover kay Carmi na ipinakilala niya sa pelikulang Dolphy’s Angels.
Mula noon, hindi na nagpaawat si Carmi. Tuluy-tuloy ang magandang takbo ng kanyang career. Kung hindi siya busy sa pag-arte, ang raket niya bilang interior designer ang kanyang pinagkakaabalahan.
Hindi nagdalawang-isip si Carmi na tanggapin ang role bilang asawa ni Mang Dolphy sa Dobol Trobol.
Naloka lang ang mga reporter sa kuwento ni Carmi tungkol sa phone call sa kanya ni Mama Malou Choa-Fagar, ang isa sa mga big boss ng Eat Bulaga.
Nakatanggap daw siya ng tawag sa telepono mula kay Malou Ochoa. Nang i-correct ng mga reporter ang kanyang pagkakamali, Malou Gafar naman ang name na siney ni Carmi.
Nag-ala-Anna Dizon si Carmi dahil Malou Gafar din ang sinabi noon ni Anna Dizon nang umapir ito sa Eat Bulaga. Anna Dizon is Anna Dizon and Carmi Martin is Carmi Martin!
* * *
Pupunta sa ibang bansa ang staff ng Startalk dahil sa malaking showbiz story na gagawin nila.
Hindi ko muna sasabihin ang big story na iimbestigahan ng Startalk para hindi kami maunahan ng ibang showbiz-oriented talk show.
Isa lang ang masasabi ko, kaabang-abang ang kuwento at punumpuno ito ng drama dahil sangkot ang isang kilalang aktres. Hindi ako magbibigay ng clue. Abangan n’yo na lang ang mga future episode ng Startalk.