Ang Greenbelt II ang siyang puntahan ngayon ng mga taga-Makati at karatig pook. Partikular na sa Masas and Cena Restaurant kung saan nagtatanghal tuwing Biyernes ng gabi ang tinaguriang “golden girl of jazz” na si Olivia.
Puro mga jazz lovers ang makikita sa lugar. Ang habol nilang lahat ay mapanood at mapakinggan ang magandang tinig ni Olivia na ang banat ay jazzy.
Si Olivia ay nanalo na noon sa 2004 Astana International Song Festival sa Kazakstan bilang Best Performer. Ito ang naging daan para maging regular performer siya sa mga music lounges ng mga 5-star hotels sa Makati City at iba pang kalapit na lungsod.
Kumakanta rin siya sa Gambrinus ng Hotel Intercon tuwing Huwebes ng gabi.
Dahil sa kanyang galing sa pagkanta, ginawaran na rin siya ng Best New Female Recording Artist ng Awit Awards, Best Young Jazz Performing Artist ng Global Excellence Awards, Outstanding Jazz Performer mula sa Asia Pacific Awards.
Noong nakaraang taon, naging nominado siya sa pagiging Best Performer in Hotel, Music Lounges and Bars ng Aliw Awards.
Sa ngayon, abala si Olivia sa pagpu-promote ng kanyang unang CD album sa ilalim ng Ivory Music and Video. Pinamagatang Gentle Jazz, ang album ay naglalaman ng 15 awiting kasama ang isa niyang komposisyong, Someday We Will Find Love.
Ngayong araw (Agosto 2) mapapanood si Olivia sa SM Southmall sa ganap na 4 p.m. kung saan ipaparinig niya ang kanyang mga awitin at ipakikita ang kanyang galing sa entablado. Ang pagtatanghal ay handog ng SM Malls sa pakikipagtulungan ng Blues Baby Entertainment at Ivory Music and Video. Sponsor naman ng show ang Okasyon at si Allan Fontanilla.