Congrats kay Sarah Geronimo. Magaling siya sa pelikula nila ni John Lloyd Cruz. Natural na natural siya, parang hindi umaakting. Tuwang tuwa sa kanya ang dalawang bruha kong sekretarya na nanood sa first day showing ng A Very Special Love.
Si John Lloyd, given na ang kahusayan sa pag-arte. It is Sarah who is proving to be the biggest surprise of the film. Napansin ko lang na lubhang nag-mature si John Lloyd. Dahilan kaya ito sa puro seryosong roles ang ginagampanan niya?
* * *
Hindi pa naipapalabas ang For The First Time nina Richard Gutierrez at KC Concepcion pero, ang dami nang kinikilig sa kanilang tambalan.
Bagay daw sila at balita ko may totoo na silang relasyon. Paano ba yan, Shawie?
Kung sabagay wala nang dapat ikatakot si Mega, mature na ang dalaga niya at mukhang career oriented.
Umiibig man ito ngayon, hindi na masama dahil nasa edad na naman. Balita ko, nangako ito at si Chard na hindi nila magiging love story ang naging love story ng mga magulang ni KC na sina Sharon at Gabby.
Dapat lamang ay mai-promote ng husto ang pelikula ng dalawa, lalo na sa masa dahil ang masa ang bumubuhay sa pelikula.
Parehong sosi ang dalawa, kailangan pang ganap na makilala at ilapit sa masa.
* * *
Nagpapasalamat nga pala ako sa ABS-CBN dahil naimbita nila ako sa ginawa nilang tribute para kay Dolphy nung Huwebes ng gabi sa Meralco Theater.
Ang ganda, bagay sa isang hari na tulad ni Dolphy na sa edad na 80 ay nakapaglabas na ng libro ng kanyang buhay at mayro’n na ring foundation para sa mahihirap. Mabuhay ka, Dolphy.
* * *
Buti na lamang at hindi na sumasagot kapwa sina Sunshine Dizon at Camille Prats tungkol sa ginagawa sa kanilang isyu na sinulot ni Camille ang role ni Sunshine sa Gaano Kadalas Ang Minsan. Alam naman ng lahat na hindi natuloy dito si Sunshine dahil nagkasakit siya. Mabuti naman at narito na si Camille na ipinapakitang karapat-dapat naman na sa kanya mapunta ang role na hindi na naipagpatuloy ni Sunshine.
* * *
Feel na feel mo naman ang chemistry nina Marvin Agustn at Jolina Magdangal sa Dear Friends. Kayang-kaya nilang tulungan ang mga problemadong kabataan na sumusulat at nagti-text sa kanila.
Tulad nung kabataang bagets na pilit itinatago ang kanyang pagiging gay pero, lumabas at lumabas din ang natural nito nang minsan masubok ng pagkakataon.
Maganda silang sumagot at klaro naman ang mga pagpapayo nila. Maganda rin ang talakayan nila, magaang, walang pretension, kaya siguro nagugustuhan ng mga manonood ang show nila.