Pinky Webb hindi na-gets ang pagiging daks ni Chiz
Isang napakasayang hapon ang pinagsaluhan namin sa lobby ng main building ng ABS-CBN nung isang araw. Puro halakhakan ang maririnig sa paligid, meron ding pisikal na hampasan, dahil sa mga biruang lumulutang sa hangin.
Ang aming mga kasama, sina Pinky Webb, Charie Villa (bossing ng News & Current Affairs Division) at ang senador na kamukha ni Bamboo, ang simpatikong si Senador Chiz Escudero.
Pumasok kasi nang alanganin ang PA naming si Tina Roa nang makita nito si Senador Chiz, “Hi, Papa Daks!” ang kaswal na kaswal na bati ng aming blooper queen sa senador.
Humalik kay Tina si Senador Chiz, takang-taka naman si Pinky Webb kung bakit ganun ang tawag ni Tina sa senador, “Ano yung daks?” ang simpleng tanong ng dalaga.
Palibhasa’y laking-subdivision at kolehiyala ang magandang newscaster, nung lumaki ito ay nakalusot sa kanyang mga tenga ang mga terminong daks at dyuts, na ang ibig sabihi’y malaki at maliit sa salitang Bisaya.
Ganito yan, sabi ni Senador Chiz, “Nung magkakuwentuhan kami ng grupo ni Nanay Cristy nung minsan, hindi mapigilan ng isa niyang kasamahang reporter ang magtanong, ‘Congressman, daks ka ba?’
“Matagal na yun, kongresista pa lang ako, ganun ang kanyang tanong (Leo Bukas), kaya ang isinagot ko sa kanya, tanong din. Ang sabi ko, magsabi ka sa akin ngayon ng isang banyagang aktor na paborito mo at saka kita sasagutin.
“Brad Pitt, sabi niya. So, sabi ko naman, guwapo si Brad Pitt, sikat si Brad Pitt, mayaman si Brad Pitt, pero alam ko, hindi ibibigay ng Diyos sa kanya ang lahat-lahat!
“Ako naman, hindi ako guwapo, hindi ako mayaman, hindi rin ako sikat, pero siguro naman, mabait sa akin ang Diyos! Tawanan silang lahat!
“Yun ang kuwento nun! Yun ang reason kung bakit Papa Daks ang tawag nila sa akin. Nung pumasok nga ako sa opisina two days after, ang bati sa akin ng secretary ko, ‘Good morning, Sir Daks!’
‘Yun ang kuwento ng lahat, Pinky!” sabi ni Senador Chiz kay Pinky Webb.
Tawa nang tawa si Pinky, hindi nito malaman ang gagawin, kaya ang naging konklusyon ng lahat ay ang malakas na paghampas nito sa balikat ng senador.
* * *
Kahit saan mo ilugar si Senador Chiz ay meron siyang tulay sa masa. Walang harang sa pagitan n’yo at ng mambabatas, nakahanda agad ang kanyang ngiti at nakalahad agad ang kanyang mga kamay kapag may lumalapit sa kanya.
At sa tanggapin at sa hindi ng kahit sino diyan, si Senador Chiz LANG ang nakapagsasalita nang napakakinis na Ingles at Pilipino, madulas ang kanyang dila sa lengguwahe ni Uncle Sam pero ang ugat ng kanyang pagka-Pilipino ay matindi niyang pinahahalagahan.
Ilang kaibigan ba naming propesyonal ang hindi nagtatrabaho kapag ginaganap ang Senate hearing? Nakakahiya mang sabihin, pero hindi naman ang mga isyung tinatalakay-pinag-aargumentuhan dun ang kanilang pakay, kundi ang mapanood-marinig ang pagsasalita ng senador na hulugan mo man yata ng bomba sa kanyang tagiliran ay hindi pa rin magagalit.
Yun ang gustong-gusto sa kanya ng ating mga kababayan, nababantayan ni Senador Chiz ang kanyang emosyon, hindi siya nagpapakita ng kaangasan sa kanyang pakikipagtalo, sinasabi lang niya ang kanyang malayang opinyon na lagi namang tama.
Kung karisma ang pag-uusapan ay manghihiram sa kanya nang tone-tonelada ang maraming pulitiko diyan. Kung talino naman ang magiging paksa ay kami na ang nagsasabi, ang talino ay hindi mahihiram, parang X factor yun sa artista na kung meron ka ay meron at kung wala ka naman ay wala talaga.
- Latest