Nauunawan namin ang pagsisintir ngayon ng lola ni Charice Pempengco. Hindi namin kokontrahin ang naramdaman niyang sama ng loob nung mapanood niya ang pagsasadula ng buhay at tagumpay ni Charice sa Maalaala Mo Kaya (MMK) nung Sabado nang gabi.
Alam namin kung gaano katindi ang naging hirap ni Nanay Tess para sa katuparan ng mga pangarap ng dalaga, ikinuwento sa amin ng kanilang mga kapitbahay sa Laguna ang kanyang mga sakripisyo, pero ngayong kilalang-kilala na si Charice ay parang nawalan na siya ng kredito.
Sabi ni Nanay Tess nung nagsisimula pa lang ang MMK, “Sa umpisa pa lang, puro kasinungalingan na ang laman ng programa, mali-mali ang kuwento, si Raquel talaga ang bidang-bida.”
Sabi kasi sa kuwento ng MMK ay mismong si Raquel ang sumasama-sama noon kay Charice sa mga amateur contest, ito rin daw ang nananahi ng mga damit ni Charice, isang malaking kasinungalingan yun sabi ng lola ni Charice dahil hindi naman marunong manahi si Raquel.
Kahit ang kanilang mga kapitbahay ay nagkukuwento na ang ina talaga ni Raquel ang sumasama-sama noon kay Charice sa mga labanan sa pagkanta, “professional amateurist” nga ang tawag nila kay Charice, dahil magaling nang kumanta ang dalaga ay sumasali pa rin sa mga amateur contest.
Ganun ang tawag sa mga kalahok na nakikibalita kung saan ang labanan, bukas ang kanilang tenga sa mga piyestahan, agad na silang magpapalista para lumaban.
“Nangungutang pa nga ng pamasahe sa amin si Nanay Tess kapag may sasalihang contest si Charice, siya talaga ang sumubaybay sa bata, hindi si Raquel,” nagkakaisang pahayag ng mga nakausap namin.
Magkaaway ang mag-inang Tess at Raquel, matagal na silang may hidwaan, ayon kay Nanay Tess ay napakatigas talaga ng kanyang anak, hindi na siya umaasa sa pagyuko nito, lalo na ang panghihingi ng sorry.
Hindi raw niya alam kung saan at kanino nagmana ang kanyang anak, basta ang alam daw niya ay napakasinungaling nito, ang iba pang paglalarawan ng lola ni Charice sa kanyang mommy ay hindi na namin babanggitin pa dahil sobrang personal na.
* * *
Kararating lang ni Charice mula sa Italy, naging guest siya sa birthday concert ng Italian pop tenor na si Andrea Bocelli, ang nagpasikat ng kantang The Prayer kaduweto si Celine Dion.
Dati’y pinapangarap lang ni Charice na makita ang magaling na Italyano, pero talagang mabait sa kanya ang kapalaran, nagkita sila sa Las Vegas sa birthday concert naman ng record producer na si David Foster.
Inimbitahan siya nito sa Italy, kakantahin daw nila ang The Prayer, noon pa lang ay parang gusto nang himatayin ng dalaga sa sobrang kaligayahan.
Nung nandun na si Charice sa backstage ng venue ng concert ay nag-text siya sa amin, “Nanglalamig po ang mga kamay ko na parang kinakabog ang dibdib ko sa sobrang nerbiyos at excitement,” sabi ni Charice.
Kahit naman siguro sinong singer ay ganun din ang mararamdaman, superstar ng Italya ang makakasama niya sa entablado, napakalaking karangalan nga naman nun.
Nung kantahin na nila ang The Prayer ay nabuhayan ng loob si Charice, sa unang linya pa lang niya ay dumagundong na ang paligid sa matinding palakpakan, nung magsabay na sila sa pagkanta ni Bocelli ay lalo na.
Pagkatapos ng kanilang duet ay muli siyang ipinakilala ng tenor, binigyan siya ng standing ovation ng audience, “Para po akong lumulutang sa alapaap nung makita kong nagtayuan ang audience. Parang panaginip lang po ang lahat, pinapangarap ko lang po dati ang makita ang idolo ko, pero naka-duet ko pa,” text uli ni Charice.
Ang punto namin sa pagkukuwento ng senaryong ito ay simple lang. Dagdag na karangalan sa ating bayan si Charice na ilang beses nang binibigyan ng standing ovation ng mga banyaga sa iba’t ibang bansa.
Ang buong sambayanang Pilipino ay naliligayahan sa kanyang tagumpay, ang mga nanay ay nangangarap na sana, ang kanilang mga anak ding mahilig kumanta ay makatulad ni Charice na sikat sa buong mundo.
Napakasarap malaman na ipinagmamalaki si Charice ng mga Pinoy, pagkatapos ay heto, ang mismong mga kadugo niya ay nag-aaway pa sa halip na maging maligaya na lang sa kanyang naabot na tagumpay.
Sila ang unang-unang dapat maging maligaya sa tagumpay ni Charice Pempengco, pero parang hindi ganun ang nangyayari, sa halip ay nagbabanatan pa sila na ang batang walang kamuwang-muwang sa kanilang hidwaan ang parang batong naiipit sa gitna.
Maawa naman sana sila sa bata.