Isang taon ding namalagi sa Las Vegas si Ciara Sotto. Dinagdagan na ng Anna ang pangalalan niya sa mungkahi ni Joey de Leon simula pa noong kumanta siya sa laban ni Manny Pacquiao para raw may marinig na bago tungkol sa kanya ang mga Pinoy doon.
Sa isang taon niya sa Vegas, inamin ni Ciara na lungkot ang naging kalaban niya pero nilabanan niya ito dahil mayroon siyang gustong patunayan sa kanyang sarili at sa mga nagtitiwala sa kanya. Hindi naman siya nabigo, pagkatanggap niya ng permit, puwede nang magsimula ang kanilang show na Fever sa Las Vegas na kung saan ay pinangungunahan niya ang cast na binubuo ng anim na babae at dalawa rito ay kapareho niyang Pinay, sina Karlyn Bay at Rizza Navales at tatlo pang Kana.
Si Lani Misalucha ang nag-rekomenda sa kanya para mapasama rito. Nung Pebrero pa sila nagsimula ng rehearsal para rito. At habang naghihintay sila ng pagsisimula ng Fever sa Las Vegas, naging abala sila sa pagtu-tour sa US para sa promosyon ng musical play.
Habang naroroon, nakapag-record siya ng isang album, ang If You Love Me na ipamamahagi rito ng SonyBMG Music Entertainment. At habang naririto siya at may dalawang linggong pahinga from Fever, ipo-promote niya ang kanyang album na pinagtulungan nilang mabuo ng kanyang ama, ang dating senador Tito Sotto na binigyan nga pala siya ng credit card para magamit sa US pero hindi niya ginamit. Sa halip, nagtinda siya ng cellphone sa mga off days niya para may magastos siya.
Mas gumaling nang singer si Ciara, marami ang na-impress sa kanya sa launch ng kanyang album sa Teatrino kamakailan. Hindi lamang ito, mas gumanda siya, bumagay sa kanya ang bago niyang hairstyle at make-up.
Ang title track ng album, ang If You Love Me ay nilagyan ng Tagalog lyrics ni Joey de Leon for local release. Kasama rin sa album ang English-French version nito bilang bonus track.
* * *
Mga OFWs ang maglalaro ngayon sa GoBingo. Bukas, sina Bobby Andrews, Bubbles Paraiso at Sheree, kabilang din sila sa cast ng Codename: Asero na ang first batch ay naglaro na noong Lunes. Sa July 17, mga pharmacists ang tampok at balik celebrities na naman sa Friday, July 18; Allan K, Anjo Yllana at Lian Paz ng EB Babes.
Samantala, may e-mail akong natanggap na mula sa isang taga-Bulacan na nagbibigay ng comment tungkol sa pagpapalit ng GoBingo virtual cards. Sa Malolos branch ng Mercury Drug lamang sila nakakapagpalit na bukod sa napaka-haba ng pila ay madalas pa raw maubusan ng card. Humihiling ito na dagdagan pa ang mga outlets na mapagpapalitan ng card.
* * *
Dahil sa tagumpay ng My Monster Mom, pinapirma ng exclusive contract para sa dalawa pang movies ng Regal si Annabelle Rama, star ng nasabing pelikula na dahilan sa kanyang tagumpay ay hindi na naapektuhan ng mga intriga tungkol sa kanya at sa kanyang pelikula which also starred her daughter Ruffa Gutierrez.
Dapat ay may gagawing Valentine movie si Annabelle pero ayaw niyang makatapat ang kanyang bunsong si Richard na may ginagawang Valentine movie with KC Concepcion. Isang Manny Pacquiao o Eddie Gutierrez-starrer ang pinagpipiliang uunahing gawin ni Annabelle.