Rey Malonzo inireklamo ng pananakot ng ex ni Phillip Salvador

Inireklamo kahapon ng negosyante at dating live in partner ni Phillip Salvador na si Cristina Castillo Decena ng pambabastos at pananakot ang dating alkalde ng Caloocan City at aktor na si Reynaldo Malonzo.

Inireklamo kahapon ni Decena sa Makati City Police na pinapadalhan umano siya ng 60-anyos na si Malonzo ng mga mensahe ng pananakot gaya ng ipapapatay umano siya nito sa mga hired killers.

Sa hiwalay naman na panayam kay Decena, sinabi nito na nag-ugat umano ang pananakot sa kanya ni Malonzo makaraang singilin niya ang dating alkalde sa pagkakautang nito hinggil sa isinangla nitong bahay at lupa.

 Tumanggi umanong magbayad si Malonzo, ayon pa kay Decena, at sa halip ay pilit umanong kinukuha sa kanya ng una ang titulo na ginawa nitong kolateral sa pagsasangla ng nasabing ari-arian.

Nang tumanggi si Decena na ibigay ang nasabing mga papeles ay dito na umano nag-ugat ang pananakot sa kanya ng dating alkalde kung saan maging ang anak nito na si Kit Kat, 20 anyos, ay pinadalhan din umano siya ng mensahe ng pananakot.

Sinabi pa ni Decena na ipaparating niya sa husgado ang nasabing usapin kung hindi makikipag-usap nang maayos si Malonzo sa kanya at kung hindi ito hihinto sa pananakot sa kanya.

Sinubukan namang kunin ng mamamahayag na ito ang panig ni Malonzo subali’t hindi ito makontak sa kanyang telepono.  (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments