Malapit nang may makasama si Dingdong Dantes sa billboard ng Gran Matador at San Mig Light, dahil nag-pictorial na ang actress na makakatuwang niya sa pag-i-endorse ng dalawang produkto. Iisang kompanya ang gumagawa ng dalawang inumin, kaya walang ka-conflict-conflict. By August, itataas na ang billboard ng San Mig at Gran Matador at baka isabay din ang print at TVC.
Hinihintay pang mag-expire ang kontrata ng actress sa isang ini-endorse na produkto na inumin din, bago ipaalam kung sino siya para walang kasong legal.
Samantala, ang gandang tingnan nina Dingdong at Angelica Panganiban na pinagsamang endorser ng Mario D’boro. Open silang magsama sa TV at movie at ayon pa sa actress, magandang makita ng ABS-CBN at GMA 7 na nagkakasundo ang kanilang mga artista at hindi lang ipinagpatuloy ang sasabihin na magkasundo na rin sila.
Mabilis nagkasundo ang dalawa, the first time they met sa pictorial. Si Dingdong nga’y na-starstruck at may gulat factor naman sa side ni Angelica. May attraction sila sa isa’t isa, pero hanggang do’n na lang ’yon, dahil pareho na silang taken. Ang buong mukha ng actress ang attraction niya sa actor, mga mata at attitude naman ni Dingdong ang gusto ni Angelica.
* * *
Kundi magkakaproblema, sa July 14, na ang alis nina KC Concepcion at Richard Gutierrez for Greece para mag-shooting ng For the First Time, ang movie nila under Star Cinema sa direksyon ni Joyce Bernal. Mga two weeks sila roon at enough time ’yon para makilala nila ng husto ang isa’t isa.
Tuluy-tuloy ang shooting ng movie at sa August na ang playdate nito. Noong Saturday, nagkagulo raw sa taping, dahil dumating si Sharon Cuneta para bisitahin ang anak na si KC at nagkataong magkaeksena that time ang dalaga at si Richard Gutierrez at tiyak, nakausap ni Megastar ang first movie partner ni KC.
Sana, hindi maging madamot sina KC at Richard na ikuwento sa press (ang puwedeng ikuwento) sa napag-usapan ng actor at ni Megastar. Unahan na nila si Sharon, dahil ’pag ito ang nagkuwento, lahat sasabihin. Ha ha ha!
Samantala, nalaman namin hindi na rin si Pokwang ang gaganap na yaya ni KC sa movie. Ang pangalan ng komedyana ang narinig naming kino-consider nang hindi pumuwede si Eugene Domingo. Ang latest, si Candy Pangilinan na ang magiging yaya ni KC sa movie na, in fairness, mas bagay dahil hindi masyadong malayo ang agwat ng kanilang edad.
* * *
Bilib kami kay Katrina Halili, dahil hindi pa-tweetums ang sagot nang tanungin kung type niya ang kapareha sa Magdusa Ka.
“Bakit hindi?” ang sagot nito at hindi ang usual na naririnig sa mga artista na trabaho lang ang tambalan nila at kung anong ka-ek-ekan pa ang sinasabi. Pero, ipinauna na nitong hindi nanliligaw sa kanya ang actor, basta close lang sila.
Nang ipa-rate sa kanya ang actor sa scale na from one to 10, nine ang sagot ni Katrina at ilang pag-i-effort na lang ni Dennis Trillo, puwede nang maging perfect 10 ang rating sa kanya ng sexy actress.
Mahaba pa ang itatakbo ng Magdusa Ka at kung ganitong dumarami ang mga kissing scenes at love scenes nila sa series ng GMA 7, hindi na rin kami magugulat kung isang araw mabalitaang sila na nga. Sana lang, walang mag-deny.
* * *
Ngayong gabi sa Dyesebel, may pinaplano si Betty (Bianca King) kung paano sasabihin kay Fredo (Dingdong Dantes) ang pagka-sirena ni Dyesebel na ikinababahala ng dalaga.
Malalaman naman ni Shiela Mae na bagsak si Paolo (Aljur Abrenica) sa lahat ng subjects nito at gagawa siya ng paraan na matulungan ang dalaga.
Sa Sirenea, magugulat si Berbola (Michelle Madrigal) dahil alam ni Amafura na isang taga-lupa rin ang kanyang iniibig. Sa power ni Amafura, makikitang si Fredo ang kasama ni Dyesebel sa lupa.